MAYNILA — Ilang araw na lang ay posible nang alisin o palawigin pa ang enhanced community quarantine sa Metro Manila at ilan pang lalawigan, depende sa irerekomenda ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero ayon kay Edson Guido, head ng ABS-CBN Data Analytics, hindi pa matitiyak kung ligtas na ngang lumipat sa general community quarantine ang mga lugar.
Lumalabas kasi sa datos na bagama't bumaba na ang mga kaso ng COVID-19 sa maraming lungsod, hindi pa talaga nakikitang tuloy-tuloy na ang pababa ng trend o takbo ng mga bagong kaso.
Sa datos na nakalap ng ABS-CBN Data Analytics mula Marso 16 hanggang Mayo 10, makikitang maraming lungsod ang hindi pa talaga nakikitaan ng pababa ng bilang ng COVID-19 cases.
"If you look at [it] makikita na pababa ang trend pero hindi masasabi na safe na," paliwanag ni Guido.
Halimbawa dito ang San Juan City, Mandaluyong City, at Pasig City.
Nakitaan naman ng bahagyang pagbaba ng COVID-19 cases ang malalaking lungsod sa NCR tulad ng Quezon City at Maynila.
Sabi ni Guido, masasabi lamang na "flat" na ang COVID-19 curve kung halos wala nang naitatalang bagong kaso sa loob ng 2 linggo, katulad ng sitwasyon sa South Korea.
Mungkahi naman ng isang ekperto mula sa University of the Philippines Los Baños, dagdagan pa ang isinasagawang COVID-19 tests para makita ang totoong trend ng bilang ng mga kaso ng sakit.
Dapat daw nasa 14,000 pataas ang nate-test kada araw.
"Hindi lang basta mass testing. 'Yung pagba-validate ng Department of Health (DOH), yung pagre-report nila dapat mabilis din," sabi ni Dr. Jomar Fajardo Rabajante, data scientist mula sa UP Los Baños Institute of Mathematical Sciences and Physics.
Panawagan ng mga ekperto sa pamahalaan, bigyan ng malinaw na guidelines kung paano ipatutupad ang mga bagong patakaran gaya sa physical distancing kapag natapos na ang lockdown.
Nagbigay na ang mga alkalde ng Metro Manila ng 3 uri ng quarantine na maaaring ipatupad sa NCR pagkatapos ng Mayo 15.
FLATTENING THE CURVE?
Sa tala nitong Linggo ng DOH, umabot na sa 10,794 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos magkaroon ng 184 bagong positibo sa sakit.
Umakyat naman sa 719 ang bilang ng mga nasawi matapos pumanaw ang 15 pasyente.
Nasa 1,924 naman na ang nakarekober matapos gumaling ang 184 tao mula sa sakit.
Ito na ang ikatlong araw na nag-ulat ng mababa sa 200 bagong kaso ang DOH.
Sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, isa itong indikasyon ng "flattening the curve."
"So ito ay naging magandang indikasyon sa atin at nakakapagsabi na ngayon ang ating mga eksperto na nag-uumpisa na tayong makapag flatten ng curve," ani Vergeire.
Gayunpaman, iginiit ni Vergeire na hindi ito dahilan para maging kampante ang mga Pinoy. Hindi rin umano ito ang nag-iisang pamantayan para alisin ang ECQ sa ilang lugar.
Sa buong mundo, higit 4 milyon na ang kabuuang nahawahan ng COVD-19 at 279,000 na ang namamatay dito.
—May ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News
Source From:https://news.abs-cbn.com/news/05/10/20/ligtas-na-bang-alisin-ang-ecq-sa-ncr-mga-eksperto-may-payo