HUMANTONG sa trahedya ang masayang inuman ng isang grupo matapos na mapatay ang magkapatid na lalaki habang nasa malubhang kalagayan ang isa pa makaraang pagbabarilin sila ng kanilang kumpare ng magkapikunan kamakalawa nang tanghali sa Zamboanga City.
Dead on the spot ang magkapatid na biktima matapos magtamo ng tig-isang tama ng bala sa katawan na nakilalang sina Benzar, 46-anyos, at Amirol Amilbangsia, nasa hustong gulang, habang sugatan naman ang isa pa na si Nasri Salahuddin, pawang residente ng Purok 10 A Sinunoc, Zamboanga City.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Mohammad Isiri, 46, kumpare ng mga biktima at residente ng Canelar, Barangay Mampang ng nabatid na lungsod.
Sa ulat na ipinadala ni Police Major Helen Galvez, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 9, naganap ang insidente dakong alas-12:25 nang tanghali habang nag-iinuman ang mga biktima at suspek.
Nang malasing na ang mga ito ay biniro ng isa sa mga biktima ang suspek na ikinapikon nito dahilan upang agad itong bumunot ng kanyang kalibre .45 baril na nakatago sa kanyang beywang at pagbabarilin ang tatlo. (Edwin Balasa)
Source From:https://www.abante.com.ph/mag-utol-binistay-ng-bala-sa-inuman.htm