Nilabag ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III ang quarantine protocol nang samahan nito sa Makati Medical Center ang kanyang asawa noon Martes ng gabi kahit na siya ay person under monitoring, ayon kay Health Secretary Francisco Duque.
“Gusto ko rin pong ihayag ang stand ng DOH ukol sa pagpunta ni Senator Pimentel sa Makati Medical Center kahit na siya ay isang PUM. Kami po ay sumasang-ayon na nagkaroon ng breach sa quarantine protocol at hindi dapat nangyari ito,” wika ni Duque.
Itinanggi naman ng kalihim ang mga kumakalat na tsismis na tinawagan niya ang namumuno sa MMC para i-admit ang asawa ni Pimentel na manganganak kahit puno na ang kapasidad ng ospital.
“Ito po ay walang katotohanan. Hindi po ako tumawag sa Makati Medical Center para makiusap na kanilang tanggapin sa kanilang ospital ang asawa ni Senador Pimentel,” diin ni Duque.
Matatandaang humingi na ng paumanhin si Pimentel sa kanyang ginawa, pero nanindigan itong noong Martes ng gabi lang niya nalaman na nagpositibo siya sa coronavirus habang nasa MMC.
Samantala, kinumpirma naman ng S&R BGC na namili si Pimentel sa kanilang branch noong Marso 16,2020 kaya ipina-quarantine na ang mga empleyadong nakasalamuha nito base sa ginawa nilang pag-review sa CCTV footage.
Source From:https://www.abante.com.ph/mali-ka-koko-doh.htm