Sa gitna ng pinaigting na Covid-19 pandemic ‘Enhanced Community Quarantine (ECQ),’ nanawagan si House Ways and Means chair Joey Salceda ng Albay na isagawa na ng pamahalaan ang ‘mandatory mass testing’ ng mga ‘persons under investigation’ (PUI), at masidhing paghanap at pagtukoy ng mga LGU sa mga nakasalamuha nila.
“Kailangang makapagsuri tayo ng mga 200,000 PUI bago natin isipin ang pagtigil ng ECQ ‘lockdown.’ Kailangang dagdagan at maging 20,000 ang ‘Intensive Care Units (ICU “upang magabayan ang mga namumuno sa pagbibigay ng prayuridad sa mga hakbang na sadyang dapat ipatupad.”
Hiniling din niya sa ‘Inter-agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases’ na “paghandaan ang ‘waves of active infection’ o daluyong ng hawaan ng sakit” na maaaring lumunod sa pangkalusugang kakayahan ng bansa.
“Naka-11,466 COVID-19 tests pa lang tayo na malayo sa 20,000 dahil hanggang 1,500 lamang isang araw ang kakayahan ng lahat ng kasalukuyang mga laboratoryo natin,” dagdag niya.
Si Salceda ang unahang mambabatas na nagpanukala ng ‘lockdown’ bago pa lumala ang pananalasa ng COVID.
“Ititigil dapat ang ECQ sa lalong madaling panahon ngunit hindi magagawa ito agad dahil may kabagalan pa ang ‘testing’ natin ngayon at kung ito’y ititigil agad, tiyak na mapipilitang ibalik ito uli, at ibayong kahirapan ang idudulot nito – higit na mahirap na pasulungin ang ekonomiya, at higit na matagal tayong makakabawi,” giit nito.
“Sadyang kailangan ang malawakang ‘testing.’ Nauunawaan naming hindi ito maisasagawa sa buong bansa, ngunit mapapasimulan ito sa mga piling lugar at dapat kumilos agad ang mga LGU para tukuyin ang mga taong nakasalamuha ng mga positibong nahawaan.
Source From:https://www.abante.com.ph/mandatory-mass-testing-pagtukoy-ng-lgus-sa-mga-tinamaan-ng-covid-ikasa.htm