Dear Atty. Claire,
Good evening po ako po pala si Maricar, tanong ko lang po regarding po sa problem namin tungkol po sa PAGIBIG Housing Loan. Gusto po kasi namin magsampa ng kaso, ejectment laban po doon sa nakatira sa bahay na nakuha po namin sa PAGIBIG , nag-squat lang po kasi siya doon ayaw niya po talaga umalis. Halos 4 mos. na po kaming naghuhulog sa bahay. Kompleto po kami sa documents, sana po mabigyan niyo kami ng sagot sa problema namin.
Salamat po,
Maricar
Ms. Maricar,
Kung ang nabili mong property ay nasa isang subdivision at mayroon itong Homeowners Association ay puntahan ninyo muna ang mga opisyales nito upang sila ang makipag-usap sa mga nag-squat sa property ninyo. Katungkulan nila na mapangalagaan ang kabuuan ng subdivision.
Kung ang nabili naman ninyo na property ay diretso mula sa PAG IBIG at ang property na ito ay na foreclose o nailit ng PAG IBIG dahil sa hindi nakakabayad ang unang bumili ay isang Petition for Issuance of Writ of Possession ang inyong isasampa sa korte at hindi kasong ejectment. Ang Writ of Possession ay isang kautusan kung saan ang possession o pag-okupa sa isang property ay ibinibigay sa mga taong nakakuha o naka-acquire ng property sa pamamagitan ng isang auction o subasta.
Kung nabili mo naman ito sa may-ari at saka ka nag-apply para sa PAG IBIG house loan ay maaari kang humingi ng tulong sa nagbenta sa iyo upang mapaalis ang mga nag-squat sa property niya maliban lamang kung ikaw na ang umako sa obligasyon na paalisin ang mga ito nakatira sa lugar ay kakailanganin mo na padalhan sila ng demand letter kung saan sasabihin mo na nais mo nang gamitin ang property.
Ang tanong lamang dito: kailan ba sila nag-squat? Pinatira ba sila ng mga unang may-ari? May pahintulot ba ang nagbenta sa inyo na sila ay tumira? O basta lamang sila nagtayo ng bahay sa lugar? Kailangan malaman ito upang madetermina kung unlawful detainer o forcible entry ba ang isasampa mo.
Kung may tolerance ang pagpapatira sa kanila ay sasampahan mo ng unlawful detainer sa loob ng isang taon mula ng matanggap ang mga nag-okupa ang demand letter mo.
Kung nag-squat lamang talaga at walang anumang pahintulot sa unang may-ari ay dapat na alamin kung kailan pa sila tumira sa lugar. Sasampahan sila ng kasong forcible entry sa loob ng isang taon mula ng sila ay nag-squat o mula ng madiskubre na nag squat sa lugar. Kung pinabayaan kasi silang mag-squat at lumagpas na ang isang taon na ito ay accion publiciana na ang isasampa mo ay hindi na ejectment case (unlawful detainer or forcible entry) at hindi na ito sakop ng Rules on Summary Procedure.
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624/922 0245 o mag email sa [email protected]
Source From:https://www.abante.com.ph/may-nag-squat-sa-ni-loan-na-pabahay.htm