TANAW-BALIK NI RUEL MENDOZA
Graduation season na at pangarap ng bawat magulang ang makitang umaakyat sa stage ang kanilang anak para tanggapin ang kanilang diploma. Bonus na ‘yung maka-graduate sila with honors.
Kaya isang inspirasyon ang Kapuso actor na si Renz Valerio ng mga kabataan ngayon sa showbiz dahil sa kabila ng kanyang busy schedule bilang aktor (tapings for Inagaw Na Bituin, personal appearances, mall shows etc.) ay nagawa nitong makapagtapos with honors sa college.
Nagtapos nga bilang magna cum laude si Renz sa kurso niyang marketing management sa Our Lady of Fatima University sa Antipolo City.
Wala nga namang imposible kung sasamahan mo ng tiyaga, sipag at dasal ang pag-aaral kahit na busy ka sa showbiz career.
Kaya heto ang ilang celebrities na nakapagtapos with honors sa kanilang kurso sa kolehiyo habang meron silang career sa showbiz…
GISELLE SANCHEZ
Aktibo na noong 1991 ang komedyanteng si Giselle Sanchez sa paglabas TV at pelikula habang pinagsasabay niya ang kanyang pag-aaral sa University of the Philippines in Diliman. Napapanood si Giselle noon sa TV shows na Ang TV, Abangan Ang Susunod Na Kabanata, Ready Na, Direk at SST. Sa pelikula ay lumabas siya sa Shake, Rattle & Roll 3, Shake, Rattle & Roll 4, Guwapings Dos, Teenage Mama, Row 4: The Baliktorians at Manchichiritchit.
In 1994 ay nagtapos bilang magna cum laude si Giselle sa kanyang kurso niyang AB Broadcast Communication.
CHIN-CHIN GUTIERREZ
Since 1991 ay lumalabas na si Chin-Chin Gutierrez sa TV at pelikula pero naka-graduate ito bilang cum laude sa Miriam College with a degree in Mass Communication in 1993. Nakilala si Chin-Chin sa kanyang award-winning role sa Maalaala Mo Kaya (The Movie) in 1994. Hinangaan din ang kanyang
performance sa mga pelikulang Ipaglaban Mo: The Movie, Sa Aking Mga Kamay, Bayad Puri at Jose Rizal.
MYRTLE SARROSA
Nakilala si Myrtle Sarrosa dahil sa pagiging housemate nito sa Pinoy Big Brother: Teen Edition 4 in 2012. Lumabas siya sa ilang shows ng ABS-CBN 2 na Kahit Puso’y Masugatan, Toda Max, Moon of Desire, Luv U, My Super D, La Luna Sangre, The Good Son at FPJ’s Ang Probinsyano. Nagbida pa ito sa pelikulang Wander Bra.
Sa gitna ng kanyang hectic schedules ay natapos nito ang kanyang broadcast communications degree sa University of the Philippines bilang cum laude in 2017.
VENUS RAJ
Kontesera na sa local beauty pageants sa Bicol at part-time model na si Maria Venus Raj nang maka-graduate ito bilang cum laude sa kursong communication arts majoring in journalism mula sa Bicol University in Legazpi City, Albay in 2009. In 2010 ay nanalo bilang Miss Universe Philippines si Venus at nag-place siya bilang 4th runner-up sa Miss Universe na ginanap sa Las Vegas. Last year ay natapos din ni Venus ang kanyang master degree in community development mula sa U.P. Diliman.
MELANIE MARQUEZ
Patunay ang former Miss International (1979) at Pinay supermodel na si Melanie Marquez na walang pinipiling edad ang edukasyon. Noong 2016, bukod sa paglabas niya sa TV via Juan Tamad sa GMA-7 at pagiging isang hands-on mother, nagtapos bilang cum laude si Melanie mula sa International Academy of Management and Economics with a degree in Business Administration.
PAULA PERALEJO
Kung avid follower ka ng ‘90s teen series na Tabing-Ilog, kilala mo ang nakababatang kapatid ni Rica Peralejo na si Paula Peralejo na gumanap bilang si Angela sa naturang series. Ang iba pang nilabasan ni Paula na shows sa Dos ay Ang TV, Familia Zaragoza, Mula sa Puso, Gimik at Kaybol.
Taong 2006 nang tumigil pansamantala sa showbiz si Paula para makapag-concentrate sa kanyang pag-aaral sa college sa University of the Philippines kunsaan ang kurso niya ay Bachelor of Arts in Philosophy, minor in Tourism. In 2008 ay nakatapos si Paula with a magna cum laude honor.
Source From:https://www.abante.com.ph/melanie-venus-nanguna-mga-artistang-nagtapos-with-flying-colors.htm