SUNDAN natin ang ating pitak noong nakaraang Lunes kung saan tinalakay natin ang mga kamoteng rider.
Hindi natin nilalahat ang mga naka-motorsiklo nating kababayan. Ito ay upang tawagin ang pansin ng maraming mga rider na akala mo ay kasali sa Moto Grand Prix kung magpatakbo sa kalsada, na parang walang ibang sasakyan na kasabay at parang walang ibang sasakyan sa unahan.
Uulitin natin ang sinabi ng isang katoto: Na hindi porke’t nagkaroon ka ng pang-downpayment na P2,500 at naiuwi mo ang motor ay ikaw na ang bagong hari ng kalsada. Katulad ng ibang mga motorista, kailangan mo ring sumunod sa batas trapiko dahil kapag hindi mo ito ginawa ay manganganib ang buhay ng iba sa’yo, kung hindi man ang buhay mo!
Marahil, nasubukan n’yo nang huminto sa unang pila kapag pula ang ilaw ng traffic light. Ano ang gagawin ng mga kamoteng rider? Sisingit sa lahat ng mga sasakyan para mauna sa pila at saka magte-text. Ang iba naman, hindi pinapansin ang red light at patatakbuhin ng mabilis ang motor. Anong batas-trapiko ang sinasabi mo sa mga taong ganito ang ugali?
Noong nakaraan ay mayroon tayong nakitang post sa Facebook ng isang naka-motorsiklo na kasinglaki ng telebisyon ang plaka sa unahan at likuran ng motor. Kinukutya nito ang bagong batas na nagsasabing kailangan ng plate number sa likod at harap ng motor, na ang plate number ay kailangang puwedeng basahin sa layong 15 metro.
Anong klaseng tao ang gagawa nito kundi kamoteng rider?
Nandiyan din ang mga kamoteng rider na mag-oovertake sa kanan na napakadelikado dahil hindi sila nakikita ng driver ng sasakyan na kanilang lalampasan. Ilang kamoteng rider na ang naaksidente dahil dito? Ang masakit nito, kapag tinamaan ang motor ng kamoteng rider at natumba ito at na-injure, kailangan pa itong dalhin sa ospital ng walang kasalanang driver!
Kasalanan na nga na kamoteng rider, ikaw pa ang kailangang magdala sa kanya sa ospital! At baka ikaw pa ang hingan ng downpayment ng ospital.
Sabi nga ng isang katoto, nandamay na naman ang kamoteng rider.
Binibigyang-pansin ng gobyerno ang mga motorcycle rider. ‘Yan ang dahilan kung bakit mayroong motorcycle lane. Pero ano ang ginagawa ng mga kamoteng rider? Hindi pinapansin ang motorcycle lane at todo harurot sa ibang lane, walang pakialam at parang walang kamatayan!
Sana ay mayroong magpa-karera ng motor sa mga kamoteng rider na ito sa mga piling karerahan sa bansa katulad ng Clark, Subic at Batangas. Para mabigyan man lang ng seminar ang mga taong ito.
Source From:https://www.abante.com.ph/mga-kamoteng-rider-2.htm