MANILA – Inilabas na ang katawan ni Anakpawis chairperson Randy Echanis Miyerkoles ng gabi matapos ulit kunin ng Quezon City Police ang pinaslang na peace consultant at peasant leader.
Ni-release mula sa Pink Petals Memorial Homes sa Quezon City ang katawan mga alas-8 ng gabi matapos itawag ng QCPD sa punerarya na nagpositibo ang cross-match at pinayagang ibalik ito sa pamilya niya, ayon kay Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas.
Hindi na sumama ang mga kaanak sa pagkuha sa katawan ni Echanis at tanging sila Brosas, dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao, legal counsel na si Luz Perez, at iba pa ang sumama.
Sa isang convoy, tumulak sila papunta ng Philippine General Hospital kung saan inaasahan gagawin ang otopsiya sa katawan ni Echanis.
Inilabas na sa Pink Petals Memorial Homes sa Quezon City ang katawan ni Anakpawis Chairman Randy Echanis pasado alas otso ng gabi. @ABSCBNNews pic.twitter.com/s7q6MJdS2s
— Isay Reyes (@isay_reyes) August 12, 2020
Iginiit ng Philippine National Police kamakailan na hindi nila ma-release nang basta-basta ang bangkay dahil kailangan daw magpakita ng mga kaukulang dokumento ang pamilya na magpapatunay sa pagkakakilanlan ni Echanis, matapos itong madiskubreng pinatay sa sariling tahanan sa Quezon City.
May nakuha kasing ID sa crime scene kung saan Manuel Santiago ang nakalagay na pangalan nito.
Ayon sa QCPD, maaari daw kasing may ibang pamilya na mag-claim sa bangkay ni "Manuel Santiago."
Nauna nang sinabi ng kampo ni Echanis na nagpasa na sila ng mga patunay noong Martes ng hapon.