Dapat tuloy-tuloy pa rin ang pamimigay ng emergency cash subsidy sa mga mahihirap ng pamilyang Pinoy sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) dahil ito’y nakasaad sa batas.
Ito ang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III, principal author ng Bayanihan to Heal as One Act, kasabay ng paghingi ng paglilinaw mula sa executive department kaugnay ng mga report na tinigil na ang pamimigay ng cash aid sa mga pamilyang nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.
“Noong nabanggit ‘yong ‘di na ibibigay ‘yong second tranche ng GCQ, medyo nagtaka agad ako, sapagkat ang tingin ko hindi lang nalinaw nang mabuti,” sabi ni Sotto sa isang panayam sa radyo.
Nauna nang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) na lamang ang makakatanggap ng cash aid at hindi na kasama ang mga mahihirap na pamilyang nasa GCQ.
Simula Mayo 16, ang mga lugar na mananatili sa ilalim ng modied ECQ ay ang Metro Manila, Laguna at Cebu City na kinokonsiderang high-risk sa COVID-19 infection.
Subalit giit ni Sotto, dapat magpatuloy ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga mahihirap ng pamilyang PInoy na nakapailalim sa GCQ dahil limitado naman ang pagbubukas ng negosyo at hindi pa tiyak kung makakabalik sila sa kanilang mga trabaho.
“Ang tingin ko hindi magandang GCQ alisan mo na (cash subsidy),” sabi ni Sotto. (Dindo Matining)
Source From:https://www.abante.com.ph/mga-mahihirap-na-pamilya-sa-gcq-bigyan-pa-rin-ng-cash-aid-sotto.htm