MAYNILA – Kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority General Manager na si Jojo Garcia na nag-positibo siya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Garcia, gabi ng Biyernes, Marso 27 nang makuha niya ang kaniyang resulta.
Nakaranas si Garcia ng dry cough bago sumailalim sa testing. Ani Garcia, may peligro talaga sa trabaho niya at bahagi aniya ito ang pagkakaroon ng sakit.
"I wish to inform everyone that I will have to work from home as I have been found positive for COVID-19," ani Garcia.
Tinatanggap umano ni Garcia ang hamon nang may tiwala at pananampalataya sa Diyos.
Una nang sumailalim sa self-quarantine si Garcia at iba pang opisyal ng MMDA noong Marso 22.
Samantala, nagnegatibo sa nasabing virus si Sen. Manny Pacquiao, batay sa rapid testing kits na nakuha niya mula South Korea.
Nilinaw din ng senador na naka-quarantine siya mula pa noong nag-special session ang Senado mula Marso 23.
“Huwag po kayong mag-alala. May natanggap po akong rapid testing kits mula sa aking mga kaibigan sa South Korea. Gamit ang rapid testing kit, ako po ay nag-negatibo,” ayon kay Pacquiao.
Bagamat aniya’y hindi ito aprubado ng FDA ay aprubado naman daw ito ng South Korea.
Kahit naka-quarantine umano siya patuloy pa raw siyang maghahanap ng paraan para makatulong sa mga kababayan at frontliners.
Hinikayat din niya ang pakikipagtulungan ng lahat sa pamahalaan.
—May ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News
Source From:https://news.abs-cbn.com/news/03/28/20/mmda-exec-jojo-garcia-nagpositibo-sa-covid-19