MAKAKAHINGA na ng maluwag ang mga artistang kinakabahan dahil sa posibilidad na kabilang ang kanilang pangalan sa narco-celebrity list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ito ay matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya ilalabas sa publiko ang pangalan ng mga artistang sabit sa iligal na droga.
Sa kanyang talumpati sa taunang convention ng League of Prosecutors sa Puerto Princesa City, Palawan Huwebes nang gabi, sinabi ng Pangulo na hindi naman naghahangad ng puwesto sa gobyerno ang mga sabit na artista kaya hindi niya isasapubliko ang mga ito.
“‘Yung listahan ng mga adik, or drug users, or traffickers, or ‘yung mga artista, hindi ko bitawan ‘yan. Alam mo bakit? Hindi naman sila seeking public office,” anang Pangulo.
Una nang sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na kung siya ang tatanungin, ayaw niyang ilabas ang narco-celebrity list maliban na lamang kung iuutos ng Pangulo na isapubliko ito. (Aileen Taliping)
Source From:https://www.abante.com.ph/narco-list-ayaw-ilabas-ni-presidente.htm