Inamin ng National Telecommunications Commission (NTC) na ang hakbang ni Solicitor General Jose Calida para ma-revoke ang prankisa ng ABS-CBN ay naging ‘factor’ sa kanilang desisyon na mag-isyu ng cease-and-desist order laban sa network.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na dati na silang pumapayag na ipagpatuloy ang operasyon ng mga nagpaso ng prankisa ng mga network habang dinidinig ang kanilang franchise renewal sa Kongreso.
“We never issued a provisional license to any broadcaster while their franchise was pending in Congress. What happened then was we just allowed them to continue operating,” sabi ni Cordoba.
“The difference from those instances and on the ABS-CBN issue is that, a case for quo warranto was actually filed by the Office of the Solicitor General,” sambit pa nito.
Noong Pebrero, naghain ng quo warranto petisyon sa Korte Suprema si Calida para sa rebokasyon ng prangkisa ng network dahil sa diumano’y ilang mga paglabag nito.
“Kaya po medyo naging untenable on our part to let it continue because of the clear letter of the law in Republic Act 3846,” sabi ni Cordoba.
Ang tinutukoy nito ay ang Radio Control Law na nagsabing walang sinumang tao, kumpanya, asosasyon o korporasyon ang puwedeng mag-operate ng radio transmitting station o radio receiving station para sa gamit pang-komersyo na walang hawak prangkisa mula sa Kongreso.
Matatandaan na nag-isyu ang NTC ng cease-and-desist order laban sa ABS-CBN matapos magpaso ang kanilang prangkisa noong Mayo 5. (Dindo Matining)
Source From:https://www.abante.com.ph/ntc-nasindak-ni-calida-sa-abs-cbn-franchise.htm