PINATIGIL ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang odd-even vehicle reduction scheme sa siyudad dahil sa nagdudulot lamang ito ng kalituhan sa mga motorista.
Ito ang naging aksyon ni Sotto sa unang araw ng paninilbihan bilang punong lungsod nitong Lunes, Hulyo 1.
Sa ilalim ng sistema, bawal sa kalsada ang mga sasakyan na may license plate na nagtatapos sa even number tuwing Lunes, Miyerkoles at Biyernes, habang tuwing Martes, Huwebes at Sabado naman ang odd numbers.
Sa ordinansang pinatupad noong Setyembre 2016, sakop nito ang kahabaan ng Elisco Road, R. Jabson St., San Guillermo St, Sandoval Avenue at F. Legaspi Bridge.
Aminado si Sotto na imposibleng masolusyunan ang problema sa trapik pero susubukan niyang gumawa ng mga hakbang para maibsan ang paghihirap ng mga motorista.
Si Sotto ang tanging kumontra sa nasabing ordinansa nang ipasa ito noong 2016.
Pinatumba ng anak ni Vic Sotto sa dating karelasyon na si Coney Reyes, ang dating alkalde na si Robert ‘Bobby’ Eusebio sa nakaraang halalan. Ang pamilya Eusebio ay nagsimulang manilbihan sa Pasig noong 1992.
Source From:https://www.abante.com.ph/odd-even-traffic-scheme-pinatigil-ni-vico.htm