Pinagpapaliwanag ni Senador Panfilo Lacson ang mga economic manager ng Malacañang kung bakit kailangang pa ng supplement budget para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) response gayong mayroong hindi pa nagagamit ng pondo mula sa 2019 national budget.
Ayon kay Lacson, sa ikatlong quarter ng 2019, may P1.3 trilyon ‘unused approproations’ sa ilalim ng 2018 2019 General Appropriations Act.
Ang validity ng ilang bahagi ng GAA, tulad ng maintenance and other operating expenses (MOOE) and capital outlays, ay pinalawig pa hanggang Disyembre 31, 2020.
Sa P1.3 trilyon, mahigit P989 bilyon ay mula sa executive branch, partikular ang mga ahensiya na hindi buong nagastos ang kani-kanilang mga alokasyon para taong 2019.
“May savings pa, may unused pa sa 2019. Dapat puwedeng gamitin din ‘yun kasi extended pa ‘yung spending validity,” pahayag ni Lacson sa panayam sa DZBB.
“So puwedeng kumuha sila doon. Mas dapat ngang kumuha doon dahil hindi talaga nagamit ng ahensiya ‘yun,” dagdag pa nito.
Ginawa ni Lacson ang pahayag matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaring humiling pa sila ng dagdag ng pondo para sa giyera ng gobyerno laban sa naturang sakit.
Nauna nang ipinasa ng Kongreso ang Bayanihan to Heal as One Act, na nagbibigay kay Duterte ng dagdag ng kapangyarihan para epektibong tugunan ang krsisis.
Nauna nang sinabi ng ilang mambabatas na may P275 bilyon ‘off-budget’ na pondo ang maaring gamitin para sa COVID-19 pandemic, bukod pa sa pwuedeng gamitin ang pondo mula sa 2020 General Appropriations Act.
Sabi ni Budget Secretary Wendel Avisado, P352.7 bilyon ng P397 bilyon na available funds na ang nagastos ng gobyerno para sa COVID-19 response. (Dindo Matining)
Source From:https://www.abante.com.ph/p1-3t-unused-fund-ng-2019-gamitin-sa-covid-response-lacson.htm