P1 bilyon para sa kubeta, kalsadang pang-turismo kasama sa Bayanihan 2: senador

3 years ago 0 Comments
Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA — Maglalaan ng P1 bilyon na pondo para sa mga kubeta at kalsadang pang-turismo ang isang panukalang batas na hahayaan si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-realign ng P140 bilyon para sa coronavirus pandemic, sabi ng isang senador, Biyernes.

Ang naturang P1 bilyon ay parte ng kabuuang P10 bilyon na nakalaan para saklolohan ang sektor ng turismo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One bill, ani Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Nais sana ng mga senador na mapunta ang P10 bilyon sa loan program para sa mga tourism business na nagsara or nahirapan dahil sa pandemya, ani Drilon.

Subalit, gusto aniya ng House of Representatives na gamitin ang naturang halaga para sa “pagbuo ng mga kubeta, farm-to-market roads at iba pang infrastructure sa ilalim ng TIEZA (Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority).”

“Ang aming paniwala [ng mga senador] ay hindi ito makakatulong sa tourism enterprises at sa mga manggagawa sa tourism industry na nawalan ng trabaho,” sabi ni Drilon sa panayam ng TeleRadyo.

Sa huli, nauwi aniya ang diskusyon ng mga mambabatas sa “compromise”, kung saan hahatiin ang P10 bilyon para sa mga sumusunod:

– P6 bilyon sa loanable fund sa pamamagitan ng Small Business Corp ng trade department;
– P3 bilyon sa displaced workers ng tourism industry; at
– P1 bilyon sa tourism infrastructure.

“Mayroon pong P1 billion para sa mga kubeta at kalsada,” ani Drilon.

Para mabantayan ang naturang pondo, magkakaroon aniya ng buwanang pag-uulat sa Kongreso at Commission on Audit kung paano ito ginastos.

Inaprubahan ng bicameral conference ng Senado at Kamara ang Bayanihan 2 nitong Huwebes.

Kabilang sa iba pang popondohan ng panukalang batas ang mga sumusunod, ayon kay Drilon:

– P40 bilyon pautang para sa mga kumpanyan naapektuhan ng pandemya;
– P24 bilyon ayuda sa agriculture sector;
– P13.5 bilyon sa pasuweldo at benefits ng karagdagang health workers
– P13 bilyon na cash for work program;
– P9.5 bilyon na ayuda sa transport sector;
– P6 bilyon na social amelioration program;
– P5 bilyon para sa contact tracing; at
– P4.5 billion para sa isolation and quarantine centers.

Ang Bayanihan 2 ang ikalawang batas para sa tugunan ang coronavirus crisis, kasunod ng Bayanihan to Heal As One Act, na umiral hanggang nitong Hunyo.

Source From:https://news.abs-cbn.com/news/08/21/20/p1-bilyon-para-sa-kubeta-kalsadang-pang-turismo-kasama-sa-bayanihan-2-senador

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi