Paalam, Mama Milagros Tuazon-Santos

5 years ago 0 Comments

Pumanaw nitong Lunes ng umaga ang mahal na­ming si Mama Milagros Tuazon-Santos, ang buti­hing ina ni Vilma, sa edad na 93.

60 years old na si Mama nang una ka­ming magkakilala. Dekada ‘80 noon. Estudyante pa lang ako sa kolehiyo noong una kong makilala at ligawan si Vi. Ang Papa nilang si Amado Constantino Santos ay maagang pumanaw, isang taon bago kami magkakilala ni Vi.

Si Vilma ang pa­ngalawa sa limang anak ni Papa Amado at Mama Mila. Panganay si Ate Emelyn, Vi, Maritess, Winnie at Sonny. Si Maritess at Winnie ay nasa Amerika at nakatakdang umuwi para kay Mama.

Nang ikinasal kami ni Vi noong 1992, si Mama at si Sonny ang naghatid sa altar kay Vi. At doon nagsimula ang ‘love story’ namin ni Mama, bukod sa love story namin ni Vilma.

Sa lahat ng pagkakataon, buhat nang magsama kami ni Vi noong 1986, si Mama ay palaging nasa panig ko. Maaaring itanggi ni Vi iyan, subalit iyan ang totoo.

Maalaga at sweet si Mama sa akin kaya’t kaming dalawa ang magkasundo.

Palagi niya akong ipinaghahanda ng mga pagkaing nanggaling Nueva Ecija, ang probinsya ng mga Santos, katulad ng ‘batutay’ o longganisa ng Nueva Ecija.

Kung ano man at saan man naroroon si Vi ngayon ay dahil kay Mama. Tulad ko ay Capricorn ang zodiac sign ni Mama kaya’t ang personalidad namin ay parehong competitive. At bilang competitive na stage mother, siya ang masipag magdala kay Vi sa lahat ng audition sa shows at pelikula, at doon na nga nagsimula ang career ni Vi noong mapili siyang gumanap bilang Trudis Liit sa edad na 9 na taon. Nasungkit kaagad ni Vi ang Best Child Actress award mula sa Famas.

Naging mabuting ina si Mama sa magkakapatid na Santos. Siya rin ang dahilan kung bakit nananatiling close ang magkakapatid hanggang sa ngayon.
Naalala ko na nu’ng minsang magkatampuhan si Vi at si Mama, ako ang naging instrumento sa kanilang pagkakabati. Naging mabait na biyenan si Mama sa akin at pa­wang papuri lamang ang masasabi ko sa kanya. Itinuring ko siyang pangalawang ina at madalas ko ngang nasasabi sa mga anak niya na maswerte sila sa pagkakaroon ng inang maalaga katulad ni Mama at pinalaki silang malapit sa isa’t isa.

Noong nagkasakit si Mama, itinira namin siya sa Lipa para mas maganda ang klima at madali namin siyang bisitahin dahil noong mga panahong iyon ay nagsisilbi nang gobernador ng Batangas si Vi. Kahit na mahina na siya ay walang mintis ang pagbisita ko sa kanya sa kuwarto, paghalik sa noo at pagkumusta sa kalagayan niya.

Mami-miss ka namin, Mama. Sinabi ni Vi dati na ang pinakamatin­ding krisis o dagok na pinagdaanan niya sa buong buhay niya ay noong namatay ang Papa niya. Siguradong ibayong kalungkutan ang nararamdaman ni Vi at mga kapatid sa iyong pagpanaw. Malungkot rin ang 12 mong apo na kung tawagin ka’y ‘Mama Ganda’.

Pahinga ka na, Mama. Maraming sa­lamat sa pagpapalaki mo sa isang Vilma Santos na ngayon ay kasama ko sa buhay. Maraming salamat sa pagturing mo sa akin na parang tunay na anak. Kung puwede kitang pabaunan ng paborito mong arroz ala cubana sa langit ay gagawin ko. Mahal ka naming lahat.

Source From:https://www.abante.com.ph/paalam-mama-milagros-tuazon-santos.htm

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi