IPINAHINGA ng Golden State si Stephen Curry, pinagbayad sila nina Luka Doncic at Dirk Nowitzki.
Sa kanyang posibleng huling laro sa Oracle Arena, umiskor si Nowitzki ng season-high 21 points at inambus ng Dallas Mavericks ang Warriors, 126-91, Sabado ng gabi sa 73rd NBA 2018-19 elims.
Tumapos naman si Doncic ng 23 points, 11 rebounds at 10 assists, pang-anim na triple-double sa kanyang rookie season.
Sa bihirang pagkakataon, pinag-start si Nowitzki, 40, nasa kanyang 21st at maaaring final season na niya sa liga. Pinasalubungan siya ng palakpakan ng Oracle crowd.
Pinaliyab niya agad ang scoreboard sa nilistang 10 points sa first 4 minutes ng laro at umagwat ang Mavs 22-7.
“The last few games I didn’t have a good shooting rhythm,” lahad ni Nowitzki. “Today I had it early and often.”
Nalaglag ang Warriors (49-23) mula sa tuktok ng Western Conference standings, kalahating laro na sa likod ng Denver (49-22).
Nagsumite si Kevin Durant ng 25 points, may 19 si DeMarcus Cousins sa Golden State na inalat sa 4-for-30 shooting mula 3-point range.
Sa kabila ay 21 for 49 sa labas ng arc ang Mavs.
Kapantay ng season-low ng Warriors ang apat na 3-pointers na naipasok. Sablay ang unang walong tira nila at hindi na nakarekober.
Papasok ng laro ay nangailangan si Durant ng isang 3-pointer para akbayan si Glen Rice (1,559) sa 25th place ng NBA career list, pero 0 for 8 siya sa long range sa nasabing laro.
Source From:https://www.abante.com.ph/paggarahe-kay-curry-pinagbayaran-ng-gsw.htm