MAYNILA – Hindi pa dapat maisailalim sa general community quarantine o GCQ ang Antipolo City, ayon kay Antipolo Mayor Andrea Ynares nitong Miyerkoles.
Kabilang kasi ang Rizal province, na kinabibilangan ng Antipolo, sa isasailalim na sa GCQ simula May 16, ayon sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases.
Ito'y sa gitna ng inaasahang pagbaba ng restrictions sa mas maraming lugar sa bansa sa pagtatapos ng enhanced community quarantine (ECQ) sa mga karagdagan pang lugar sa Mayo 15. Matapos nito, Metro Manila, Laguna at Cebu City na lang ang mananatili sa modified ECQ.
Ayon kay Ynares, iniiwasan nila na magkaroon ng second wave ng COVID-19 sa Antipolo, lalo na't nakapagtala sila ng 119 na positibong kaso ng sakit sa lungsod na pinakamataas sa buong Rizal. Mga 40 sa mga kaso ang gumaling habang 20 iba ang nasawi.
“From ECQ to GCQ, sana naging ECQ na lang muna. Parang gusto ko na enhanced community quarantine pa rin kami. Ayoko po kasi magkaroon ng second wave and that’s what we are trying to avoid," aniya.
Wala pa planong iapela ni Ynares ang desisyon ng IATF at hihintayin muna ang guidelines kung paano ipatutupad ang GCQ. Ngunit pakiusap niya, nawa’y magtuloy-tuloy ang ayuda mula sa pamahalaan.
“Ang nire-request ko lang po sana yung social amelioration program, kahit GCQ na kami, sana po mabigyan pa rin po ang city of Antipolo para po sa aming kababayan po," ani Ynares.
Matatandaan unang nagpatupad ng lockdown ang mga awtoridad sa buong Rizal noong April 6 para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan.–Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News
Source From:https://news.abs-cbn.com/news/05/13/20/pagpapatupad-ng-gcq-sa-antipolo-hindi-pa-umano-napapanahon-ynares