Kinontra ng Malacañang ang puna ni Senate President Vicente Sotto III na resulta ng “overreaction” ang ipinatupad na lockdown ng gobyerno sa Metro Manila dahil sa coronavirus disease o COVID-19.
Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles sa Laging Handa press briefing sa Malacañang na hindi lockdown ang inianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte at lalong hindi ito overreaction sa pagtaas ng bilang ng mga natatamaan ng coronavirus sa bansa.
Binigyang-diin ni Nograles na hindi lockdown gaya ng pagkaintindi ng Senate President ang inianunsiyo ng Pangulo kundi community quarantine.
Malaki aniya ang ipinagkaiba ng lockdown at community quarantine at ang nais lang ng gobyerno ay maging ligtas ang mga Pilipino sa COVID-19.
“With all due respect to the senator and Senate President Sotto, baka kasi ang ibig niyang sabihin ng lockdown is iyong connotation nga na iyon na cut off na iyong food supplies natin, etcetera, etcetera, sarado na ang lahat ‘no. That is why iyong community quarantine may technical, medical meaning po iyan,” ani Nograles.
Sinabi naman ni Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, balanse ang naging desisyong ito ng Pangulo at kung tutuuisin ay dapat mas istrikto pa ang mga ipatupad na measures lalo’t kalusugan ng mga Pilipino ang pinag-uusapan.
Ipinaliwanag ng kalihim na napakahirap ng ginawa nilang desisyon at mahaba aniya ang ginawa nilang diskusyon nitong Huwebes dahil kailangan ding ikonsidera ang aspeto ng ekonomiya sa pagpapatupad ng community quarantine at sa bandang huli ay ang kaligtasang pangkalusugan ng publiko ang nangibabaw.
“Napakahirap na decision, pero alam n’yo naman po ‘pag pinag-usapan public health, maraming mas istrikto pa na dapat ginawa actually. Pero in consideration also of iyong mga… itong mga economic activities, kaya ho binalanse rin po ang lumabas dito, pero ang pinaka-suma tutal po nito, siyempre pagdating nga ho sa public health mangunguna ho iyan kaysa sa economic activities. At naging wisdom na rin ho ng ating Pangulo na sabi niya time is of the essence,” ani Lopez.
Source From:https://www.abante.com.ph/palasyo-kay-sotto-hindi-overreaction-ang-community-quarantine.htm