MAYNILA — "Nakikisuyo po ako, para tumangos muli ang ilong natin, ibalik natin ang karangalan sa pag lilingkod sa bayan ng Maynila."
Iyan ang pakiusap ni Mayor Isko Moreno sa mga empleyado ng Manila City Hall sa flag ceremony nila, Lunes ng umaga.
Ayon kay Mayor Isko, hindi umano niya kakayanin mag isa ang pagsasaayos ng Lungsod. Noong isang linggo lamang, kabi-kabila ang pagsisiwalat ni Moreno sa mga korupsyon sa lungsod tulad na lamang ng tangkang panunuhol umano sa kaniya ng 5 milyong piso kapalit ng hindi pagpapaalis sa mga vendor sa Divisoria.
“Para mapag tagumpayan natin ang layunin natin na maisaayos ang Maynila, tulungan po ninyo ako. Nagpapakababang loob po ako sa inyo,” aniya.
Hindi umano lingid sa kaalaman ni Moreno na mababa ang tingin ng taumbayan sa mga empleyado ng city hall dahil nabansagan silang kurakot. Kaya’t sa pagsasaayos ng mga katiwalian, nais niyang mawala ito.
"Hindi natin masisi ang ilan kung gaano tayo tignan ng mababa dahil sa tayo’y empleyado ng city hall. Sa mga panahon na lumipas, may mga napabalita sa kanila. Eh alam niyo naman usong uso ang tsismis,” aniya.
Bilang ganti, siniguro ni Isko na hindi na made-delay ang suweldo ng mga empleyado. Biro pa niya, siguradong mauuna ang mga sweldo at mga benepisyo ng empleyado bago ang mga “kontrata”.
Biro pa ni Moreno, maaari na raw suotin ng mga empleyado ang lahat ng gusto nilang suotin, anumang kulay ito. Sa nakaraang administrasyon kasi, ayon sa ilang empleyado, may mga kulay sila ng damit na hindi maaaring suotin.
Para kay Arthur Magora na tatlong taon nang kontraktwal sa Senior Citizens Affairs sa Manila City Hall, malaking ginhawa ito para sa kaniya dahil inaasahan niyang hindi na made-delay ang kanilang suweldo. Sa 3 taon niya sa City Hall, nararanasan daw niyang hindi sumuweldo ng umaabot sa 4 na buwan. Sa mga panahong ito, sa pangungutang daw nabubuhay ang kaniyang pamilya.
“Wala daw pong pondo, ba-badyetan pa. Wala naman po kaming magawa kasi kami’y kontraktwal lang. Hindi kami pwede mag reklamo kasi nga ang sabi sa'min noon job order lang kami."
"Siguro po ngayon kung mapapatupad ito, bukod sakin, marami pong J.O ang matutuwa,” ayon kay Magora.
Katulad ni Arthur, masaya rin ang iba pang empleyado ng City Hall.
Kasamang dumalo ni Moreno ang bagong halal na Vice Mayor ng Maynila na si Honey Lacuna. Dumalo sa flag raising ceremony ang lahat ng empleyado ng City Hall pati ang mga pulis ng Maynila.
Source From:https://news.abs-cbn.com/news/07/08/19/pangako-ni-isko-walang-delay-sa-sweldo-sa-mga-empleyado-ng-city-hall