MAYNILA — Itinanggi ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), ang communications team ng Malacanang, na aprubado nila ang ginawang pag-share sa isang post na naglalaman ng mga pekeng impormasyon ukol sa ABS-CBN franchise.
Noong Sabado ay kumalat sa social media ang post ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTFELCAC) na sinisisi sa umano'y paglabag ng ABS-CBN ang pagkakawala nito sa ere, taliwas sa katotohanang natengga sa Kongreso ang di bababa sa 11 franchise renewal bills ng network.
Ang share ng NTFELCAC na may maling impormasyon ay ikinalat din ng PCOO official pages.
Sa parehong araw, inamin ni Communications Sec. Martin Andanar na walang pahintulot sa kanila ang nangyaring pag-share, at hindi rin umano ito dumaan sa vetting process ng kanilang ahensiya.
"That being said, the posted content is not in any way an official statement or an opinion of the PCOO. The issue regarding ABS-CBN Corporation's network franchise remains within the purview of Congress," ani Andanar.
Pati si Presidential Spokesman Harry Roque, pinabulaanang galing sa kaniyang opisina ang pahayag.
Ngayon ay binura na ng PCOO official pages ang kanilang post.
Napaso ang prangkisa ng ABS-CBN noong Mayo 4, at kinabukasan rin ay naghain ang National Telecommunications Commission ng cease and desist order laban sa kompanya, taliwas sa una nilang pangako na bibigyan nila ang network ng "provisional authority" para patuloy na mag-operate.
Kinondena ng maraming grupo ang naging hakbang para mawala sa ere ang ABS-CBN, at inilarawan ito bilang "mala-martial law" at pagkitil sa kalayaan sa pamamahayag.
—Mula sa ulat ni Arianne Merez, ABS-CBN News