MAYNILA – Isinisi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Aaron Aquino sa kawalan ng parusang kamatayan kaya malakas pa rin ang loob ng mga dayuhan na magpasok ng ilegal na droga sa bansa.
"That is the stand of PDEA, the restoration of death penalty for drugs, particularly on drug trafficking, drug smuggling, and drug manufacturing," aniya.
Ang reaksiyon ni Aquino ay kasunod ng panibagong pagkasabat ng droga sa Manila International Container Port (MICP) na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon.
Ayon kay Aquino, sa loob lang ng isang linggo, halos P3 bilyong halaga ng shabu ang nasasamsam ng PDEA.
Sa kabila ng kawalan ng death penalty sa mga mabibigat na kaso kaugnay ng ilegal na droga, pinalalakas ng PDEA ang ugnayan sa ibang bansa para sa epektibong operasyon.
Ang nasamsam sa MICP ay bunga ng koordinasyon ng Vietnamese authorities sa bansa.
Biyernes ng umaga dumating ang kontrabando sakay ng barko mula Ho Chi Minh. Inilagay ito sa mga sako na idineklarang mga plastic resin.
Bawat sako ay may mga nakalagay na malalaking pakete ng tsaa, kung saan sa loob nito ay nasa isang kilo ng shabu.
Ayon sa mga chemist ng PDEA na nagsuri sa kontrabando, mga high-grade shabu ang mga ito.
Source From:https://news.abs-cbn.com/news/03/23/19/pdea-halos-p3-bilyong-droga-nasamsam-sa-isang-linggo