MAYNILA – Naniniwala ang Presidential Anti-Corruption Commission na anim na buwan ang kakailanganin para tuluyang linisin ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) mula sa korapsiyon.
“Kaya po ‘yan. ‘Di po ako naniniwala na ‘di matatapos ito ng 6 months. You put the right system, put the right people, do the right thing, 6 months ‘yan ma-improve ‘yan,” pahayag ni PACC Commissioner Greco Belgica.
Iniimbestigahan ng Senado ang PhilHealth dahil sa alegasyon ng korapsiyon.
Ayon kay Belgica, may mga IT solutions sa gobyeno at pribadong sektor na handang tumulong sa PhilHealth na ayusin ang kanilang IT system nang libre.
"Gamitin muna itong nag-o-offer ng libre. In 6 months, linis po 'yang IT system. Meron nang validation mechanism, ‘di na makakapasok ang upcasing, mga fake documents, fake claims,” saad niya.
Naunang sinabi ni Belgica na kayang manipulahin ng ilang empleyado ang transaksiyon sa ahensiya dahil sa kakulangan nito sa validation mechanism.
Dalawang paraan lamang ang nakikita niya para tuluyang malinis ang ahensiya. Una na rito ay ang pagtanggal sa korap na mga opisyal at pagbabago sa sistema dito.
“Ang paglilinis na gusto natin sa PhilHealth ‘di puwedeng presidente lang ang tatanggalin, 'yung board lang ang aalisin dahil hindi lang naman sila ang involved. Meron d'yan regional officers na sila ang nag-di-disburse ng pera, sila kausap ng mga ospital,” sabi niya.
Kapag tanging ang presidente lamang ang inalis sa puwesto at hindi rin ito susundan ng imbestigasyon, magiging parehas lang din aniya ang resulta.
“Alisin mo mga tao sa ilalim, makakapag-simula ka ng imbestigasyon at titino ang sistema,” sabi niya.
Source From:https://news.abs-cbn.com/news/08/12/20/philhealth-kayang-linisin-sa-loob-ng-6-na-buwan-belgica