INARESTO ng Homeland Security at US Secret Service ang isang Pinay at dalawang Amerikano na miyembro ng international drug ring na nag-o-operate sa iba’t ibang panig ng mundo kabilang na ang Pilipinas
Natuklasan ang high-tech na operation ng sindikato matapos na mamonitor ng US Homeland Security cyber intelligence ang mga transaksyon ng naturang grupo gamit ang darknet.
Batay sa impormasyon ng Attorney’s Office sa korte, gamit ang cryptocurrency tulad ng bitcoin, bumibili ang naturang grupo ng methamphetamine at ibang pang uri ng droga sa darknet at saka nila ito ipapadala sa iba’t ibang panig ng mundo.
Limampu’t siyam na shipment ng methamphetamine at iba pang uri ng iligal na droga ang naipadala sa iba’t ibang bansa.
Ilan sa mga shipment ay namonitor na nakapasok sa New Zealand, Poland at Pilipinas
Iniharap ng US Attorney’s Office sa district court ang tatlong suspek na sina Donnica Mae Rabulan, 31-anyos; asawang nitong si Michael Alan Goldberg, 34-anyos kapwa nakatira sa Panorama City sa California at James Celeb Kueker, 41, ng Hollywood Hills sa Los Angeles.
Ayon sa demanda, si Rabulan ang in-charge sa mga international buyer at shipment ng mga droga habang si Kueker naman ang taga-kolekta ng pera at si Goldberg ang in-charge sa financial flows ng income at pondo ng sindikato
Kabilang din sa impormasyon sa demanda ang pagkakatuklas ng federal agent noong 2018 sa dalawampu’t isang kilo ng shabu na ipapadala sana patungong Pilipinas mula Van Nuys sa Los Angeles
Noong Marso 11 sa bisa ng search warrant sinalakay ng federal agent ang drug laboratory sa bahay ni Kueker kung saan narekober ang isang ak-47 riffle at mahigit sa $150,000 na pinaniniwalaang mula sa iligal na droga.
Kung mapapatunayan sa korte, habang buhay na pagkakakulong ang posibleng kaharapin ng tatlong suspek. (Dave Llavanes Jr.)
Source From:https://www.abante.com.ph/pinay-arestado-sa-international-drug-operation.htm