Ping: Mali ka Isko

4 years ago 0 Comments

Binuweltahah ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si Mayor Isko Moreno kasunod ng alegasyong na wala silang ginagawa sa gitna ng laban kontra COVID-19 pandemic.

Pinaaalalahanan ni Lacson si Moreno na walang kapagurang nagtrabaho ang mga senador para maipasa ang Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal As One Act.

“Yorme, kaya po namamahagi ngayon ang gobyerno ng tulong pinansyal kasama na ang lungsod ng Maynila ay dahil nagpagod at nagpuyat ang mga senador kahit may banta ng COVID-19 para ipasa ang Bayanihan Act,” pahayag ni Lacson sa kanyang Twitter bilang tugon sa pasaring ni Moreno.

“Mali ang paratang ninyo na wala kaming ginagawa,”

Ang tinutukoy ni Lacson ay ang special session ng Kongreso noong Marso 25 kung saan inabot sila ng hatinggabi ng Marso 26 para maipasa ang Bayanihan to Heal as One Act, na nagbibigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ng dagdag na kapangyarihan para tugunan ang COVID-19 crisis.

Ginawa ni Lacson ang pahayag kasunod ng public address ni Moreno kung saan hinikayat nito ang national government na magkaroon ng political ceasefire para magkaisang labanan ang nasabing virus.

May puntong pinitik ni Moreno ang 24 miyembro ng Senado.

“Mga senador, 24 lang kayo, mga sekretaryo, mga politikong katulad ko, ngayon natin ipakita, ipakita ninyo ang pagmamahal ninyo sa Pilipino. Kaming mga tiga-Maynila, Pilipino rin. Ngayon niyo ipakita, maraming nagdadarahop,” sabi ni Moreno.

“Maswerte kayo, mga pinagpala kayo, maswerte tayo [na] nakaluwag tayo sa buhay. Paano na ‘yung mga naghihikahos bago pa mangyari itong krisis na ito? At lalong naghihikahos sa ngayong krisis na ito?”

“Asan kayo ngayon? Nasaan? Hinahanap namin kayo, kasama na ako” dagdag pa nito.

Pero sagot ni Lacson kay Moreno, mandato aniya ng Senado na magpasa ng mga batas kaya hindi tamang sabihin nitong wala silang ginagawa.

“Iyan kasi ang mandato namin. Mali ang paratang ninyo na wala kaming ginagawa,” buwelta pa ni Lacson sa alkalde. (Dindo Matining)

Source From:https://www.abante.com.ph/ping-mali-ka-isko.htm

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi