Nagpahayag ng posibilidad na gustong kasuhan ni Pokwang ang Facebook kung sakaling hindi nito magawang baklasin o kanselahin ang mga fake account na nakapangalan sa kanya.
Ito ang naging reply ni Pokwang sa netizen na nakapanood ng kanyang video post, na nagsasabing mahihirapan ang komedyante sa ninanais nitong tanggalin ang mga gumagamit ng mga fake account sa FB lalo’t marami na itong mga follower.
@khdreay_25; “Sa fb kahit mo pa i-report yan pag marami ng follower mahirap nila tanggalin katulad ni Mocha nakailang fake news na sya…pero dami ng nag-report sa account nya wala pa rin nandyan pa rin sya sa fb nanghinayang kasi ang fb na mawala ng mga taga- subscriber nila…daming mga fake account pero kinansila nila pero babalik na naman…walang assurance talaga sa fb kakalat pa ng madaming fake news dyan tas i-share sa mga follower mas lalong lala..good luck nlang nating lahat…”
kaya ang sagot ni Pokwang; “@khdreay_25 e ‘di yung Facebook ang sampahan ng kaso! Bakit di muna nila sulatan ang artista kung talaga ngang sa kanya yung account? Kapag kilalang tao madaling hanapin at gawan ng paraan.”
Nag-ugat ang gigil ni Pokwang sa nauna na nyang post na nagbabalita na may gumagamit ng kanyang pangalan sa FB at inilagay pa ang larawan nilang pamilya sa profile nito.
Sa kanyang video post, nanawagan si Pokwang sa kanyang mga followers na i-report ang fake accounts para mawala ito sa FB.
Kasabay nito ay ang panawagan rin nya sa mga kapwa artista na magsama-sama sila, lalo na ang mga biktima ng fake accounts para sila mismo ang mag-report sa FB sa fake accounts.
Pinagkakakitaan ng fake accounts ang kanilang pangalan ang dahilan ng gigil ni Pokwang. Pinagkakakitaan, ginagamit sa panloloko ang kanilang mga pangalan.
***
Bea Alonzo tumulong sa mga taga-Visayas
Sumusunod sa yapak ni Angel Locsin ang kaibigan at kapwa Kapamilya star na si Bea Alonzo. Tulut-tuloy ang mga relief operations ni Bea sa mga apektado ng COVID-19 partikular na sa mga frontliner.
Sa ilalim ng foundation na @iamhope_org dinadala ang lahat ng mga in kinds donation ni Bea sa mga hospital, security forces check points at pati na sa mga nasunugan sa Tondo.
Ngayon naman ay sa Visayas nagpadala ng tulong ang aktres para sa mga frontliner doon.
Nakaposte sa IG ni Bea ang larawan ng chartered plane na magdadala ng kanilang relief goods sa Visayas.
Hindi nga lang nagagawang sumama ni Bea sa mga pagpunta sa mga COVID-19 health facilities, hindi gaya ni Angel na personal nitong pinupuntahan ang mga ipinatayong tent.
Pero ganun pa man, hindi pa rin tumitigil ang aktres sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Binanggit ni Bea ang mag-asawang Trina at Vhong Navarro para pasalamatan ang mga ito sa pagbahagi ng kanilang donasyon sa project.
***
Dahil sa ECQ, mga anak ng artista natuto sa gawaing bahay
Naging magandang rason ang ECQ para sa ilang mga celebrity at sa kanilang pamilya. Ipinakita ni Sherilyn Reyes ang disiplina ng kanyang mga anak kung saan may nakatokang gawaing-bahay ang mga ito.
Mapapanood si Hashtag Reily Santiago at ang isa pang kapatid nitong lalake naghuhugas ng pinggan. Ang bunso naman na babae ay nagwawalis ng sahig at minsan ay nagpupunas ng lamesa.
Ayon sa caption, araw-araw na tumutulong ang kanyang mga anak sa mga gawaing bahay.
“Sa aming tahanan, walang special treatment si Kuya…lahat sila pantay pantay ng responsibility,” sabi ni Sherilyn.
Iba naman ang disiplinang ipinapatupad ni Doug Kramer sa kanyang maliliit na anak kapag naga-away ang mga ito. Nakaposte sa Instagram ng dating basketbolista na inuutusan nya ang isang anak na babae at lalake na magharap at sampung minutong magyakapan, sa kanilang pagbabati.
Nagsigawan at nag-away kasi ang dalawa, kaya naman kinastigo niya ang mga ito at pinagawa ang exercise na nabanggit.
At habang magkayakap na nakaupo, inutos ni Doug na magsabihan sa isa’t isa ang dalawa kung bakit nila mahal ang isa’t isa.
***
Kiray type nang pakasal sa non-showbis dyowa
Nangarap pala na maikasal sa kanyang dating dyowa si Kiray Celis. Yan nga ang rebelasyon niya para lang ikumpara ang kaligayahang nadarama niya sa kanyang boyfriend ngayon.
Sa pinoste niyang mga photo ng sweetness nila ng guwapong non-showbiz boyfriend, ibinahagi ni Kiray na nagkaroon siya ng limang taong relasyon na akala ng lahat, at maging siya mismo, ay aabot sa kasalan.
Sabi ni Kiray, hindi basehan ang tagal ng relasyon ng magkasintahan.