IGINIIT ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na dapat busisiin ng Senado ang pag-e-export ng buhangin at iba pang landfill materials at hindi lamang ang sand dredging sa Batangas gayundin sa iba pang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Recto na maghahain siya ng resolusyon na magsusulong ng pagsisiyasat sa pagtatangkang sand extraction ng Chinese-manned dredging ship sa Lobo, Batangas, at kung nagaganap ang ganitong aktibidad sa ibang lugar.
“Have we become a land reclamation material supplier? Are we exporting our sand?” saad ni Recto.
“If our mountains have been flattened and transported ship by ship to reclaim islands, some of which are within our territory, then that is land transfer of the worst kind,” dagdag nito.
Kung totoo aniya ang mga ulat na nagsasagawa ng dredging activities ang Chinese ship para sa ikatlong runway ng airport ng Hong Kong, lilitaw aniya na ito na ang ikalawa nating kontribusyon sa proyekto.
Una na aniya ang P700 milyon na binabayaran ng mga Filipino traveller kada taon para sa expansion ng Hong Kong airport.
“It is in the fine print of a round-trip plane ticket to Hong Kong. Nasa ticket ‘yan. You pay 90 Hong Kong dollars as Hong Kong airport construction fee,” diin ni Recto.
Sa kakapusan aniya ng buhangin at tumataas na local demand sa construction material, iginiit ni Recto na panahon na para sa pamahalaan na rebisahin na ang mga polisiya sa sand at gravel quarrying, transport at ang pagbebenta.
“There are many provinces in the country that are sand and gravel poor.
Kaya tumataas ang home construction cost kasi minsan binabarko pa ang mga ito from one province to another. Many government road projects have been delayed by the lack of gravel and aggregates,” diin ni Recto.
Noong 2016, isiniwalat ni Zambales Gov. Amor Deloso sa Senate Blue Ribbon Committee na nanggaling sa kanilang lalawigan ang lupa at buhangin na ginamit sa reclamation project ng China sa South China Sea.
Dalawang bundok, aniya, ang pinatag, upang gawing panambak sa ginawang artificial island sa nasabing teritoryo. (Dang Samson-Garcia)
Source From:https://www.abante.com.ph/sand-export-sa-hk-haharangin-ni-recto.htm