MAYNILA – Nagpalipas magdamag sa kalsada ang ilang benipisaryo ng second tranche ng social amelioration program sa Gate 2, Antipolo City sa Rizal.
Ang iba ay simula alas-7 pa ng gabi ng Biyernes nang magsimulang pumila sa tapat ng isang remittance center.
May ilang nakapila ang naglatag na lang ng karton sa bangketa at doon natulog.
Hindi na rin nasusunod ang social distancing. Halos magkakadikit na ang mga nakapila dito dahil sa takot na baka masingitan.
Ayon sa mga nakapila, limitado lang ang naseserbisyuhan ng naturang remittance center. Kada araw ay hanggang 90 lamang na mga benipesaryo ang naipoproseso.
Dahil dito, may ilang mga SAP beneficiaries ang pabalik-balik na sa naturang remittance center branch tulad ni Maria Carmelita Nagat.
“Hindi lang siguro napag-isipan ng maigi dahil sa dami ng recipients. Mahirap, lahat naman ata kailangan paghirapan bago mo matanggap. Ok lang kahit tatlong araw nang pabalik balik,” sabi ni Nagat.
Pangatlong beses na niyang pumunta para lamang makuha ang ayuda.
Ayon naman kay Roel Llesa, kailangang ihanda ang sarili kapag kukuha ng SAP dahil sa mapupuyat sa pagpila.
“Ok naman medyo nakakapuyat lang, tapos medyo kailangan ihanda mo rin ang sarili mo kasi marami kang pagdadaanan, ito nga lang pila eh,” sabi naman ni Llesa.
Masaya naman at nagpapasalamat sina Nagat at Llesa dahil sa wakas ay makakatanggap na rin sila ng ayuda. Dagdag nila, mas marami ngayon ang nakakatanggap ng SAP mula sa gobyerno.
Source From:https://news.abs-cbn.com/news/08/29/20/sap-beneficiaries-nagpalipas-ng-gabi-para-kumubra-ng-ayuda