Sunud-sunod ang itinuturing ni Sharon Cuneta na emotional stage sa kanyang buhay, ngayong dumagdag pa ang pagyao ng kanyang half sister.
Nakaposte sa Instagram ng megastar ang larawan ng kapatid sa ama, na si Leonida Cuneta Veluz at ang announcement sa detalye ng pagyao nito at sa burial na gaganapin.
Sa caption, sinabi muna ni Sharon ang kasiyahan niyang makasama sa buong ECQ ang kanyang pamilya. Pero sa gitna nito at sa gagawin niyang Mother’s day celebration concert ngayong gabi, nagkasunud-sunod naman ang pagkamatay ng mga taong naging malapit sa kanyang buhay.
Una, namatay ang kaibigan niyang si Mon Jimenez na nakasama niya sa marami niyang mga TV commercial sa ilalim ng Ad agency company nito.
Sinundan ito ng paglisan sa mundo ng kilalang direktor na si Peque Gallaga na nakatrabaho niya riin sa ilang mga commercial.
Dumating naman ang pagpapasara sa ABS-CBN na ikinaloka niya dahil sa alalahaning maraming mawawalan ng trabaho sa kumpanya at magugutom na pamilya.
Ang panghuli ay ang pagyao ng kanyang ate Nedy, na kanyang half-sister na gumagawa sa abot ng makakaya nito na mapanood ang kanyang concerts sa abroad man o dito sa Pilipinas.
Isa sa mga inaalala ni Sharon ay hindi makauwi ang mga anak nito mula sa Amerika para sa burol at samahan ang kanilang ama na mag-isa na lang sa tinitirhan nitong bahay sa Pasay dahil sa lockdown.
Hirap man si Sharon sa kanyang emotional situation pero kailangan niyang mag-focus sa gagawing concert para makalikom ng funds na maitutulong niya sa mga nawalan ng trabaho na mga taga-ABS-CBN.
Nakadagdag pa ng kanyang pag-alala ay ang panganay na anak na si KC Concepcion na mag-isang naninirahan sa condo nito kasama ang dalawang alagang aso.
“I need your prayers, my dearest IG family. Yes I am strong-but I often just pretend that I am. Because I have to be,” sabi ni Sharon. (Rey Pumaloy)
Source From:https://www.abante.com.ph/sharon-namatayan-ng-kapatid.htm