Hindi napigilan ni Megastar Sharon Cuneta maging emosyonal habang pinapanuod ang huling pamamahayag sa TV Patrol. Nag-live sa kanyang social media ang aktres, kitang-kita na namumugto ang kanyang mata at hindi pa rin maawat sa pagluha.
Kuwento ng aktres, hinaplos pa niya ang kanilang TV habang pinanonod ang kanilang mga boss na sina Carlo Katigbak (CEO) at Mark Lopez (Chairman).
Hindi rin makapagsalita nang maayos ang aktres sa kahahagulgol dahil sa nangyari.
“30 years na ako sa ABS-CBN, it’s my home, and there are ten of thousands of employees who are gonna lose their jobs and I cannot take that. There’s so much going on now. We have this COVID thing, this virus… all of a sudden, world war Z… Parang wrong timing? Kasi ang daming natutulungan ng Sagip Kapamilya, tapos yung staff namin mismo, at crew, sila yung mawawalan ng trabaho” pagbuhos ng damdamin ng aktres.
Ayon sa kanya, hindi naman niya iniisip ang kanyang sarili sa nangyaring iyon kung di ang ibang mas nangangailangan sa oras ng pandemic at sa mga susunod pang panahon.
“Ako okay lang, alam niyo namang lahat milyonarya na ako, okay na ako, pero sila…” dagdag pa ng aktres.
Malungkot pang ikinuwento ni Megastar na mayroon siyang concert na ginagawa pero hindi na niya makakasama ang mga staff niya dahil sa ipinatigil na nga ang operasyon ng naturang network.
Bumuhos sa comment section ang simpatiya ng maraming fan pero hindi pa rin nawala ang mga basher na kesyo kaibigan daw ni Shawie ang pamilya ng Pangulo. Kinuwestyon pa siya ng ilan na bakit daw ito hindi nakumbinsi ang Pangulo kung totoong malapit siya sa mga ito. (Athena Yap)
Source From:https://www.abante.com.ph/sharon-todo-iyak-sa-instagram.htm