Simbahang Katolika inaantay ang IATF na payagan ang pagmimisa

3 years ago 0 Comments
Nagdarasal ang isang mananampalataya sa harapan ng saradong Quiapo Church sa Maynila sa gitna ng enhanced community quarantine. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

MANILA – Patuloy pa din naghihintay ang Simbahang Katolika sa desisyon ng gobyerno hinggil sa hiling na payagan na sila sa pagdaraos ng misa, ayon kay Manila Archdiocese Apostolic Administrator Bishop Pabillo nitong Huwebes.

Nauna nang inalmahan ng obispo ang inilabas na kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na 5 hanggang 10 lamang ang papayagan na makadalo sa bawat misa, bagay na naunang sinabi ni Pabillo na wala itong ipinag-iba sa utos na ipagbawal pa din ang pagmimisa.

“Matagal na kami nakipagugnayan, so nag-aantay kami ng kanilang desisyon. Nagpadala na kami 2 weeks ago, kung hindi nila natanggap, ibig sabihin mahina ang coordination sa IATF," aniya.

Bukod sa limitado ang bilang, ayon kay Pabillo, dapat ay magpatupad na lang kung paano makapag-iingat ang mga mananampalataya.

“Ang apela namin ay bigyan ng limit, one meter away, two meters away, kasi you cannot have 'one size fits all'. Iba iba ang mga simbahan. May mga maliit na simbahan, malaking simbahan. Kaya kung sabihin nila one meter away, okay will make one meter away from each other," aniya.

Si Fr. Dennis Soriano, parish priest ng Immaculate Concepcion Cathedral of Cubao, ay nagsabing mahalaga ang ispiritwal na gampanin ng mga mananampalataya.

“Malaking bagay yung makakapagmisa tayo uli, makakatanggap sila ng communion. 'Yan ay paghuhugutan natin ng lakas para lalo pang maging matibay tayo dito sa pinagdadaanan natin. I think that’s the very first reason kahit paano unti-unti maibalik na uli yung pagdiriwang, of course, uli with the strict observance of the protocol,” aniya.

Aminado din ang simbahan na malaki ang epekto ng dalawang buwang pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa operasyon nito dahil sa kakapusan ng pananalapi. Walang mga donasyon at koleksyon.

“Malaki ang epekto nyan financially sa simbahan for the last 2 months syempre. Iba iba siyempre ang sitwasyon ng simbahan hindi naman lahat mayroong savings na may paghuhugutan," ani Soriano.

Sa Diocese ng Cubao, ayon kay Soriano, pinairal nila ang pagiging makatao sa mga kawani ng mga simbahan sa dalawang buwang lockdown.

 “Yong the last two months nagdecide yung diocese na ibigay yung sweldo 'yung buo ng lahat ng mga empleyado kahit walang trabaho. Mabigat yun lalo na kung maliit ang parokya na walang pumapasok na tulong,” aniya.

Sa inilabas na liturgical protocol ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines, naghahanda ang Simbahang Katolika para sa mga mananampalataya nito sakaling payagan na ang pagmimisa.

Mayroon nang mga hand sanitizers sa lahat ng pintuan ng simbahan. May marka na din sa mga upuan na nagtatakda ng tatlo lamang ang makakaupo sa bawat upuan para maipatupad ang social distancing.

Lahat ito ipatutupad sa lahat ng mga simbahan.

“Yong binigay ng CBCP recommendatory sa mga dioceses, at ang mga dioceses, sila naman ang gagawa. At least may recommendation na pwede ilagay sa mga guidelines na ito," ani Pabillo.

Sa usapin ng pananalapi ng simbahan, ayon sa obispo, katulong nito ang mga layko para sa pangangalap ng tulong.

“Ang alam ko po nag apela ang Sangguniang Layko ng Pilipinas no sa mga lay people na kung nakatulong sila at nagbibigay din kami ng ng numbers accounts para sa online donations kung makakabigay sila," ani Pabillo.

Patuloy pa din ang mga online at live streaming masses sa mga simbahan.

Pisikal man o online na pagmimisa, ang mahalaga ay nagagampanan ng mga mananampalataya ang kanilang gampanin sa Diyos sa panahong kailangan nila ng masasamdalan sa gitna ng krisis ng pandemya ng COVID-19, ayon kay Soriano.

“Essential yung spirituality eh. Essential yung pananampalataya, yung kalooban hindi naman natin matatagalan tong pinagdadaanan natin, kung wala tayo paghuhugutan ng lakas ng loob. Para sa maraming Filipino, sa maraming kababayan natin, ang pinaghuhugutan ay pananamplataya," aniya.

Source From:https://news.abs-cbn.com/news/05/22/20/simbahang-katolika-inaantay-ang-iatf-na-payagan-ang-pagmimisa

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi