Sunog! Sunog!

3 years ago 0 Comments

Tiyak na nakikita ng marami sa balita at sa Facebook at iba’t ibang mga social media ang sari-saring mga larawan ng sunog sa Australia. Ang mga sunog na ito ay dulot ng lubhang mainit na temperatura na umaabot sa 42 dig­ri, malakas na ha­ngin at ng tag-tuyot na kanilang nararanasan ngayong tag-araw sa kanila. Bagama’t normal ang mga ganitong tinatawag na wildfire o bushfire, higit na mapaminsala itong taon. Bakit? Sinasabi ng mga eksperto na ito ay epek­to ng pagpapalit ng klima sa buong mundo na makailang ulit ko nang nabanggit sa a­king pagsusulat.

Tumitindi ang lahat ng uri ng mga kondis­yong pangklima. Ang mga bagyo ay luma­lakas na nagdudulot ng mga bagong tala ng mga pagbabaha. Ang temperatura sa buong mundo ay painit nang painit. Base sa ating mga rekord, ang pinakamainit na temperatura sa Metro Manila ay umabot ng 38.5 digri noong 1987. Sa buong bansa, ang pinakamainit ay umabot sa 42.2 digri noong 1968 sa Tugue­garao, Cagayan. Sa buong mundo, ito ang tinatawag na global warming na nagmumula sa paggamit ng iba’t ibang uri ng e­nerhiya na masama sa kalikasan. Maraming mga bansa na ang nagdeklara ng emergency sa kanilang klima, ngunit ang Pilipinas ay nanatiling tahimik ukol dito. Tila ang ta­nging suliranin ng bansa, para sa ating pamunuan, ay ang iligal na droga.

Ang salitang ‘sunog’ ay mayroon pang ibang pakahulugan maliban sa literal na ibig sabihin nito. Madalas naririnig ko ito sa larangan ng paggastos. Sinasabi ng iba na lumaki ang sunog kapag lumaki ang gastos. Ito rin ay nangangahulugan ng anumang damage o bagay na hindi kanais-nais.

Tila lumalaki rin ang sunog sa ating admi­nistrasyon. Una, na­ging malaking isyu para kay Duterte at kanyang mga kaalyado ang pag­lalagay ng probisyon sa batas ng US na maaring pagbawalan pumasok sa kanilang bansa ang mga taong responsable sa sinasabing maling pag-aakusa at pagkakakulong ni Senador Leila de Lima.

At dahil ang US ay isa sa mga paboritong bansa na puntahan ng mga politiko at kawatan sa pamahalaan, marami sa kanila ang nabahala. Ang US ay isa rin sa mga lokasyon ng tagong yaman. Ang mga dating galit na galit kay de Lima ay parang nagkaroon ng sakit na kalimot ay nanahimik na lamang at naglilinis ng kanilang mga social media. May maliit na sunog dito na maaaring lumaki.

Isa pang larangan kung saan sumiklab ang sunog sa administrasyon ay ang inilabas na ulat ni Bise Presidente Leni Robredo kung saan sinasabi niya na ang kampanya laban sa iligal na droga sa loob ng tatlong taon ay isang malaking pag­kabigo o kapalpakan, base mismo sa datos ng pamahalaan.

Tiyak na maraming trabaho ngayon ang mga tagapamatay-sunog ng pamahalaan. Ito ang mga taong pilit na ipipihit ang katotoha­nan at bibigyan ng pani­bagong interpretasyon ang mga pangyayari, kasama na rito ang ‘fake news’ na palalawigin kontra sa kanilang mga kalaban.

Kagaya ng sunog sa Australia, tila mahirap din puksain ang mga sumisiklab na sunog sa ating pamahalaan. Sa huli, dapat tandaan na dapat mag-ingat tayo sa sunog, anumang uri ito.

Source From:https://www.abante.com.ph/sunog-sunog.htm

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi