Suporta sa Mental Health

3 years ago 0 Comments

Isinasagawa po ngayong buwan ng Mayo ang kampanya para sa mental health o kalusugang pangkaisipan sa iba’t ibang bansa tulad ng Estados Unidos at United Kingdom.

Napapanahon po ito at paalala rin sa atin dito sa Pilipinas na dapat pangalagaan din ang mental health lalo na po ng mga estudyante, frontliner at lahat ng mga manggagawa ngayong binabalot ng salot na COVID-19 ang ating lipunan.

Noon pa man, malaking hamon po sa ating gobyerno ang usapin ng mental health. Bukod sa napakababang pondo para rito na umaabot lang sa 3% hanggang 5% ng kabuuang budget para sa health sector, napakaunti rin po ng ating mga psychiatrist, psychologist, at mga mental health worker.

Kung susumahin, mayroon lamang pong 2 hanggang 3 mga mental health worker sa kada 100,000 mga Pilipino. Sadyang napakalayo po nito sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na dapat ay may 10 mental health worker sa bawat 100,000 mamamayan.

Ito po ang dahilan kung bakit isinulong natin ang Mental Health Act o ang Republic Act 11036 noong 2017 para tulungan ang ating pamahalaang makapaglatag ng komprehensibong plano at mga programa para mapagtuunan ng pansin ang mental health ng mga Pilipino.

Kitang-kita rin po ang problema sa ating mga eskwelahan kung saan halos walang mga guidance counselor para tumutok sa mental health at psychological well-being ng ating mga kabataang aanib sa sektor ng paggawa sa hinaharap.

Sa kasalukuyan, mayroon lang pong 3,220 mga registered guidance counselor sa bansa. Kulang na kulang po ang bilang na ito para tugunan ang pangangailangan ng halos 27-milyong mag-aaral mula kindergarten hanggang senior high school.

Sa ngayon, imposible pong mapunan ng DepEd ang kinakailangang mahigit 52,000 mga registered guidance counselor para mabigyan ng isang guidance counselor ang kada 500 bata sa ating mga public school.

Maghahain po tayo ng panukala sa senado para luwagan ang batas hinggil sa pagbibigay ng lisensya sa mga guidance counselor na tanging paraan sa ngayon para mapataas ang supply ng mga guidance counselor sa bansa.

Ipinapaalala naman po natin sa mga employer na kasama ang mga mental health service na dapat ipagkaloob sa mga manggagawa na ginagarantiyahan ng Occupational Safety and Health Standards (OSHS) Law o Republic Act 11058.

Bagamat wala pang COVID-19 nang balangkasin natin bilang Chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development ang OSHS Law, naniniwala po tayo na sapat ang probisyon ng kasalukuyang batas para tugunan ang umiiral na ngayong “new normal” lalo na sa ating mga lugar-pagawaan.

Nananawagan po tayo sa DOLE na lalong paigtingin ang pagpapatupad ng OSHS sa pagbabalik ng ating mga manggagawa sa trabaho pagkatapos ng ECQ lalo na ang paggamit ng mga personal protective equipment (PPE), pagbibigay ng mga karampatang impormasyon tungkol sa Covid-19 at wastong pangangalaga sa kanilang mental health.

Malaking pagbabago po sa paraan ng pagtatrabaho ang social distancing, limitadong workplace interaction, paraan ng paggamit sa mga pampublikong transportasyon, at ang inaasahang mas maraming bilang ng manggagawang “work-from-home” bunsod ng “new normal.”

Bagamat kilala sa pagiging resilient o matatag ang mga Pinoy worker, banta po talaga sa kanilang kalusugan ang labis na pag-aalala, stress, at depresyon dahil sa pambihirang sitwasyong nararanasan natin ngayon.

Nananawagan po tayo sa Department of Health na pagtuunan ng pansin ang paglalagay ng 24/7 helpline o crisis hotline na isinulong natin sa ilalim ng Mental Health Act para makaiwas po tayo sa mga kaso ng suicide at ang pinangangambahan ng mga eksperto na pwedeng humantong sa national mental health epidemic ang matagal na quarantine at isolation.

Kung kinakailangan, magbibigay po tayo ng rekomendasyon sa DOLE, gayundin sa DOH, para maiangkop ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng OSHS Law at maging ng Mental Health Act.

Nagpapasalamat naman po tayo sa iba’t ibang mga organisasyong patuloy na nagbibigay ng “telepsychiatry” o free online counselling para sa lahat ng ating mga kababayang nakakaranas ng depresyon dahil sa COVID-19.

Kung kayo po ay isang frontliner, manggagawa o estudyanteng nakakaranas ng labis na kalungkutan at iba pang sintomas ng depresyon, maari po kayong makipag-ugnayan sa mga sumusunod para sa libreng konsultasyon:

National Center for Mental Health Crisis Hotline: 0917-899-8727 o kaya 7-7-989-827

Philippine Mental Health Association Online Support: 0917-565-203

Philippine Psychiatric Association: 0918-942-4864

Sa ating pagtutulungan at pananalig sa ating Panginoong Hesus, tiwala po akong mananalo tayo laban sa COVID-19.

[email protected]

Source From:https://www.abante.com.ph/suporta-sa-mental-health1.htm

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi