Sige, magtapatan tayo. Bilang karaniwang tao na walang halal na posisyon sa pamahalaan, itanong ninyo sa sarili, ano ang positibo at kapaki-pakinabang na silbi sa inyo ng survey para sa kandidato? Ano ang maitutulong sa gagawin ninyong pagpili ng mamumuno sa bayan?
Sa klase ko sa unibersidad, lalo’t ang subject ay pananaliksik at kulturang popular, hindi lumilipas ang bawat semestre nang hindi ko naiiwasang matalakay ang silbi ng media, tradisyonal man gaya ng telebisyon o pahayagan o iyong new media na lumulunsad sa internet, bilang tagapagpadaloy ng impormasyon.
Ang pagtalakay tungkol sa media ay lagi nang nagagawi sa kung ano ang nangungunang himpilan ng telebisyon, aling pahayagan ang pinakamabili, at ang hindi maiiwasang pagmamalaki ng bawat kompanya ng media na sila ang nangunguna sa survey.
May magsasabing sila ang nangunguna sa Metro Manila o sa Luzon. May magsasabing nangunguna sila sa buong kapuluan. Pero sasabihin ng kalabang estasyon na sila rin ay nangunguna pero sa isang tukoy na time slot lang. Halimbawa tuwing hapon, o gabi na primetime (more or less hanggang alas diyes), o gabi matapos ang primetime.
Lahat na lang ay gustong ibandera na sila ang nangunguna. Pero kaakibat nito ay ang pangunguna sa iba’t ibang aspekto: time slot, tiyak na araw, age group, babae ba o lalaking manonood, area, at marami pang ibang salik. Ibig sabihin, maraming nangunguna depende sa salik na pinangungunahan.
Pero para saan? Para kanino ang survey ng mga estasyon ng telebisyon at radyo? Hindi para sa karaniwang audience. Para sa placement ng advertising. Ibinebenta nila ang oras ng mga nangungunang palabas. Sa patalastas nanggagaling ang pera, ang kita sa industriya.
Wala itong kinalaman sa manonood. Ano ba naman kung mababa ang rating ng paborito mong palabas kung dito ka nalilibang? Eh ano kung ikaw na lang ang nanonood? Minsan nga, mas masarap pang manood ng hindi nangungunang palabas. Mahaba. Tuloy-tuloy. Hindi isang palit ng focus ng camera, isang zoom-in, patalastas na uli. Nakakainip.
Ganito rin ang katwiran ko sa ‘survey’ ng kandidato. Survey na galing sa salitang Pranses na ‘sourveier’ na galing naman dalawang lumang salitang Latin na ‘sour-‘ at ‘veer’ na ibig sabihin ay tingnan nang mas malakihan.
Malapit na kamag-anak ng salitang ‘survey’ ang ‘supervisor’ at ‘supervise’. Hindi ba’t ganito rin ang kahulugan? Ang mag-supervise ay mamahala sa mas malawak na kolektiba. Kaya ang survey ay pagtanaw sa mas malawak na sitwasyon. Dahil ang survey ay representasyon ng kung anong nangyayari dahil mahirap nga namang isa-isahing tanungin ang mga tao. Sampling lang kung baga.
Hindi para sa atin ang resulta ng survey. Ito ay para sa mga tumatakbo upang malaman kung ano na ang resulta ng kanilang kampanya. Kung nangunguna, ipagmalaki. Gawing headline para lalong manguna. Kung naghahabol, diinan pang lalo ang kampanya.
Dahil hindi para sa atin ang resulta kaya hindi tayo dapata paapekto. Magnilay ka pang mabuti matalino para matukoy mo nang maayos ang iyong iboboto. Hindi man sila nangunguna sa survey na sa totoo lang, wala namang silbi sa iyo bilang karaniwang tao.
Source From:https://www.abante.com.ph/survey.htm