Tuluyan nang vineto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang maggagawad sana ng survivorship benefits sa mga naiwang anak ng deceased retired officials ng Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), Commission on Elections (Comelec) at Ombudsman.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III kahapon sa isang radio interview.
“Katulad nu’ng pinadala sa akin kagabi ng sulat ng Pangulo, ang sabi niya vini-veto niya ‘yung survivorship benefits bill,” ani Sotto.
Partikular na tinukoy ni Sotto ang panukalang mag-aamyenda sa Republic Act 10084 para palawigin ang survivorship benefits ng dependent children ng deceased retiree official ng mga constitutional office ng gobyerno.
Kasalukuyang nag-aalok ng benepisyo ang RA 10084 sa mga surviving legitimate spouse ng mga deceased retired officials ng COA, CSC, Comelec at Ombudsman.
Ayon kay Sotto, isa sa dahilan ng pag-veto ng Pangulo sa nasabing panukala ay dahil makakaapekto aniya ito sa pension programs at salaries ng government officials.
“E vineto niya eh. Kasi makakagulo daw sa salaries, at sa ibang pension program ng gobyerno,” banggit pa ni Sotto. (Lorraine Gamo)
Source From:https://www.abante.com.ph/survivorship-benefits-bill-binasura-ni-duterte.htm