Testing center binulahaw! Pasay councilor minura mga…

3 years ago 0 Comments

NAG-TRENDING sa social media ang pagmumura at paninigaw ni Pasay City First District Councilor Arnel Regino “Moti” Arceo sa mga frontliners matapos matuklasang ginawang rapid testing center ang session hall ng Pasay City Hall.

Nangyari ang insidente noong araw ng Martes, Mayo 19 bagama’t kagabi lamang nagsimulang kumalat sa social media ang video ng konsehal habang galit na galit sa mga frontliners at naririnig ang pagmumura dahil sa umano’y kakitiran ng utak ng mga pasimuno sa paggamit ng session hall.

Napag–alaman na may inilabas na memorandum order noong Mayo 18, 2020 ang Human Resource Management and Development Office ng Pasay City Hall na may lagda ni Atty, Maverick Sevilla na nag-aatas sa mga hepe ng bawa’t departamento at mga kawani hinggil sa pagkakaroon ng rapid testing sa Mayo 19 simula alas-9 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon na gaganapin sa session hall ng Sangguniang Panlungsod.

Sa naturang video, ikinatuwiran ni Konsehal Arceo na dapat ay ginawa ang rapid testing sa kani-kanilang tanggapan at hindi sa session hall ng mga konsehal na pinagdarausan nila ng sesyon.

Hindi umano dumaan sa konseho ang pagsasagawa ng rapid testing kaya’t nanggagalaiti sa galit ang konsehal nang abutan ang mga frontliners na nagsasagawa ng rapid testing sa mga kawani sa loob mismo ng session hall.

Wala pang pahayag ang kampo ni Konsehal Arceo sa naturang insidente at maging ang Pasay City Public Information Office (PIO) bagama’t sinabi ni Jhun Burgos, hepe ng PIO na kakausapin muna niya si Mayor Emi Calixto-Rubiano upang alamin ang reaksiyon nito sa pangyayari.

Kaugnay nito ay nagpatawag ng miting si Mayor Rubiano sa pagitan ng mga miyembro ng konseho kaugnay sa eskandalo at nagpahayag ng kalungkutan sa pangyayari.(Edison Reyes)

Source From:https://www.abante.com.ph/testing-center-binulahaw-pasay-councilor-minura-mga-frontliner2.htm

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi