Patong-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng isang Kapuso actor na sumisikat pa lamang makaraang arestuhin matapos umano nitong salpukin ang dalawang tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Alas-10:00 ng umaga nang isampa ng Makati City Police ang mga kasong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injuries at Damage Property at Disobedience sa Makati City Prosecutor’s Office laban sa nadakip na actor na si Starstruck Ultimate Survivor Douglas Errol Dreyfus Adecer mas kilala sa kanyang screen name na “Migo Adecer”, 25-anyos, binata, TV Actor ng GMA-7 at naninirahan sa no. 29 Jazz Residence Jupiter, Makati City.
Agad namang naisugod sa Ospital ng Makati ang dalawang biktima na sina Rogelio Castillano, 39, ng Malabon City at si Michelle Papin, 34, ng Sampaloc, Manila, kapwa empleyado ng MMDA sanhi ng tinamong mga sugat at pasa sa katawan.
Sa report ni Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police alas-sais ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng JP Rizal at Pertirra Sts., Barangay Poblacion.
Habang sakay ng puting Subaru BR2 na may conduction sticker A012 si Adecer ay hinarang ito ng mga traffic enforcer dahil sa traffic violation.
Ngunit itinapon lamang umano ni Adecer ang violation ticket na inisyu dito dahil sa paglabag sa Reckless Driving at hindi nito ibinigay ang kanyang lisensiya hanggang sa nagpatuloy ito sa pagmamaneho.
Pagsapit sa naturang lugar, nahagip nito ang mga biktimang sina Papin at Castillano na magkaangkas sa isang motorsiklo.
Ngunit hindi pa rin huminto ang suspek at dere-deretso nitong pinapaharurot ang kanyang sasakyan.
Nasakote ang suspek ng mga rumespondeng traffic enforcer sa N. Garcia St. at nagtangka pa itong tumakas dahilan upang mahagip rin nito ang isa pang police mobile.
“Inipit namin ‘yung kaniyang sasakyan kaya hindi na siya makaabante… Inatras niya ngayon ‘yung kaniyang sasakyan at nabangga itong nakaharang na mobile namin nang tangkain ni Adecer na iatras ang kotse nito at nabangga niya yun isang patrol car” ani Simon.
Ayon rin kay Simon, lango sa alak si Aceder ng mangyari ang insidente.
“Halatang lango siya sa alak. Kinakausap namin, wala sa sarili. Nagsisigaw-sigaw pa siya,” saad pa ni Simon.
Ayon naman sa abogado ng suspek na si Atty. Marie Glen Abraham-Garduque, wala umanong kaalam-alam ang kliyente niya sa nangyaring aksidente.
“Ang initial statement niya sa akin is hindi niya raw alam na meron siyang na-sideswipe. Otherwise, ang sabi niya sa akin, kung alam niyang may nasagi, he would stop,” saad ni Garduque.
Payag rin umano ang kanyang kliyente na sagutin ang hospital bills ng mga biktima.
Sa ngayon iniimbestigahan din ng pulisya na ang lisensyang nakuha kay Adecer ay peke umano.
Ang nasabing Kapuso actor ay nakakulong ngayon sa nasabing himpilan ng pulisya.
Source From:https://www.abante.com.ph/timbog-na-kapuso-actor-tadtad-ng-kaso.htm