Tugon sa posibleng pagdami ng pang-aabuso ngayong lockdown

3 years ago 0 Comments

Isa sa mga isyung hindi napagtutuunan ng pansin ngayong panahon ng krisis ay ang posibleng pag-akyat ng mga kaso ng karahasan laban sa mga kabataan at mga kababaihan sa mga bansang naka lockdown dahil sa COVID-19.

Dahil sa mandatong ‘stay-at-home,’ mas mahihirapan ang mga biktima ng karahasan na lumabas upang makahingi ng tulong.

Nakalulungkot na nananatili pa ring suliranin sa ating bansa ang patuloy na karahasan laban sa mga kabataan at kababaihan bago pa tayo tinamaan ng COVID-19.

Ayon sa 2016 National Baseline Study on Violence Against Children in the Philippines, tatlo sa bawat limang kabataan na may edad 13 hanggang 24 ang nakaranas ng pisikal na karahasan sa kanilang pagkabata. 60 porsyento sa mga kasong ito ay nangyayari sa loob ng mga tahanan.

Base pa sa naturang pag-aaral, tatlo sa limang kabataan din ang nakaranas ng verbal abuse, pagbabanta at pag-aabandona mula sa kanilang mga magulang o guardians. Sa mga kabataan namang may edad na 13 hanggang 18, may naitalang 13.7 porsyento sa kanila ang nakaranas ng pang-aabusong sekswal sa kanilang mga tahanan.

Hindi natin dapat hayaang maging talamak ang karahasan, may krisis man o wala. Kahit na nasa ilalim tayo ng enhanced community quarantine o ECQ, patuloy dapat ang pagkilos ng mga ahensya ng ating gobyerno na nagbibigay proteksyon sa mga inaabusong kababaihan at kabataan.

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, hinihimok ng inyong lingkod ang Inter-Agency Council on Violence Against Women and Their Children o IACVAWC na siguruhing patuloy ang pagpapatupad ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Dapat maging alerto at handa ang Violence Against Women and Children Desk ng National Bureau of Investigation at ang Philippine National Police-Women and Children Protection Center sa pagtugon sa mga matatanggap nilang mga ulat ng karahasan laban sa mga kababaihan at kabataan.

Bukod dito, nais din nating bigyang-diin ang mahalagang papel ng mga barangay dahil sila ang pinakamalapit sa mga biktima at mga saksi ng pang-aabuso. Sa ilalim ng Protocol for Case Management of Child Victims of Abuse, Neglect, and Exploitation ng Committee for the Special Protection of Children, mandato sa mga barangay ang magkaroon ng mga help desks para sa mga kaso ng pang-aabuso at karahasan.

Tungkulin din dapat ng mga barangay na makipag-ugnayan sa mga social workers, health officials at sa mga women and children protection units upang mabigyan ng tulong ang mga biktima.

Hinihingi natin ang kooperasyon, koordinasyon at mahigpit na pagbabantay ng ating mga awtoridad na bantayan ang mga nasasakupang lugar upang mabilis na matugunan ang ganitong uri ng krimen.

Para naman sa publiko, partikular na ang mga kabataan at kababaihan, lubos na hinihikayat na agarang i-report sa barangay o kapulisan ang naranasan o nasaksikhang karahasan sa inyong komunidad. Sama-sama po nating tugisin ito. #

Source From:https://www.abante.com.ph/tugon-sa-posibleng-pagdami-ng-pang-aabuso-ngayong-lockdown.htm

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi