Bubuksan na ulit ng Commission on Elections simula Setyembre 1 ang voter registration para sa national elections sa 2022, sabi ng tagapagsalita ng komisyon.
Aabot ng hanggang 4 milyon ang inaasahang magpaparehistrato simula Setyembre, ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez.
Naniniwala umano si Jimenez na mas mulat na ngayon ang publiko sa kahalagahan ng pagpaparehistro para sa halalan.
"Makikita nila ngayon, 'May koneksyon pala 'yong binoboto ko doon sa nakukuha kong serbisyo.' Now more than ever, makikita nila 'yan and I think that's the motivation they need to vote," ani Jimenez.
Iginiit naman ng Comelec na mahigpit na ipatutupad ang health protocol sa pagpaparehistro para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kasama sa mga protocol ang pagpapaiksi ng oras sa pagre-rehistro sa Comelec offices. Bukas lang umano ang pagpapatala mula Martes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Kakailanganin ding magsumite ng mga magpaparehistro ng "coronavirus self-declaration form," na maaaring ma-download sa Comelec website.
Hindi naman papayagang makapagparehistro ang mga pupunta sa Comelec office nang walang suot na face mask at shield.
Hinihikayat din ang mga nagnanais maging botante na magdala ng sariling ballpen.
Lilimitahan din ang bilang ng mga taong papayagan sa loob ng Comelec offices para maipatupad ang physical distancing.
"We are encouraging appointments now. Gusto natin na magpa-appointment sila sa mga Comelec offices imbes na pumunta sila doon ng walk-in," ani Jimenez.
"Kailangan lang sila tumawag sa Comelec office. Lahat naman ng Comelec office may Facebook page 'yan so they are easy to contact," dagdag niya.
Maaari ring gamitin ang booking function ng online app na iRehistro. Inaasahang mailulunsad ito bago ang Setyembre 1.
Sa Batangas, inihahanda na ng Comelec ang kanilang tanggapan para sa muling pagbubukas ng voter registration.
Hiling ng Comelec sa publiko na sundin ang health protocols at ihanda ang mga dokumentong kailangan para mabilis ang pag-rehistro. — Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News