ILOILO — Nanindigan si Vice President Leni Robredo na siya ang nanalo sa eleksyon noong 2016, dahil pinatunayan lang ng election protest na inihain laban sa kaniya ang lamang niya sa halalan.
Ayon kay Robredo, wala namang napala ang kaniyang kalaban na si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. nang kuwestiyunin nito ang kaniyang pagkapanalo, at idinamay pa ang Iloilo, kung saan malaki ang naging lamang ng Bise Presidente.
Proud na proud na nagpasalamat si Robredo sa mga Ilonggo para sa kanilang pagmamahal at suporta, at iginiit na hindi sila mga mandaraya—na siyang napatunayan sa recount.
“Nadamay po kayo, nag-file sa akin ng protesta ‘yong kalaban ko sa eleksyon. Ang sabi niya, nandaya daw po ako nang grabe dito sa Iloilo. Binuksan naman ‘yong mga balota — walang nakitang pandaraya dahil hindi naman nandadaya ang mga tao dito sa Iloilo,” wika ni Robredo, na siya namang sinagot ng malakas na palakpak ng mga Ilonggo.
Malaki ang ipinanalo ni Robredo sa Iloilo, kung saan siya nakatanggap ng 573,829 na boto, kumpara sa 94,411 na boto para kay Marcos.
Sa Iloilo City, na itinuturing ng Presidential Electoral Tribunal na hiwalay sa probinsya, nakakuha ng 137,662 na boto si Robredo—lamang ng 100,000 kay Marcos.
Sa kabila nito, pinilit pa rin ni Bongbong na nadaya siya sa Iloilo, at isinama ito sa tatlong probinsyang napili niya sa initial recount para sa kaniyang electoral protest. Pero ayon sa legal team ni Robredo, wala namang nakitang pandaraya mula sa nasabing pagbibilang.
Nasa Iloilo City si Robredo nitong Miyerkoles para ilunsad ang Ahon Laylayan Koalisyon, isang proyektong naglalayong palakasin ang mga batayang sektor at tulungan silang bumuo ng People’s Council—isang inisiyatibang sinimulan ng kaniyang yumaong asawa na si Jesse, na matagal na naging mayor ng Naga City, kung saan binigyan ng pagkakataon ang mga ordinaryong mamamayan na makibahagi sa mga desisyon at pamamahala ng lokal na pamahalaan.
Sa okasyong ito ay naimbitahan rin ang mga kandidato ng Otso Diretso, na siya namang nangako, sa pamamagitan ng isang covenant, na dadalhin nila sa Senado ang mga agenda at pangangailangan ng mga sektor. Kinuha ni Robredo ang pagkakataon upang humingi ng suporta para sa mga kandidato, na ayon sa kaniya ay matitino, mahuhusay, at may paninindigan. (Tina Mendoza)
Source From:https://www.abante.com.ph/vp-leni-bongbong-walang-napatunayan-sa-recount.htm