Yaman ni Quiboloy sa US kinakalkal ng FBI

3 years ago 0 Comments

Tumutulong na sa Fe­deral Bureau of Investigation (FBI) ang Homeland Security Investigation, USCIS Fraud Detection and National Security Unit, US Department of State Diplomatic Security Service at US Interval Revenue Service Criminal Investigation para malalimang usisain ang umano’y fraud na ginagawa ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na pinamumunuan ni Pastor Apollo Quiboloy.

Sinisilip na ng mga fe­deral investigator ang mga ari-arian ni Quiboloy sa Estados Unidos na posibleng mula sa nabunyag na fraud na ginagawa ng KOJC.
Natunton na ng mga imbestigador na ipinambili ng mga maluluhong gamit ang 20 milyong dolyar o mahi­git P1 bilyong nakolekta nito simula noong taong 2014 hangang 2019.

Kabilang na rito ang pagbili ng sasakyang Bentley, bulletproof na Cadillac Escalade SUV, mamahaling damit, real estate at mansyon sa Calabasas, California.

Masalimuot ang dinadanas ng mga volunteer base sa testimonya ng mga ito.
Ayon sa criminal complaint ni FBI Special Agent Anne Wetzel, may isang volunteer ng Kingdom of Jesus Christ na kinalbo at pinagsuot ng kulay orange na T-shirt na may nakasulat na SOS o ‘Son of Satan’ saka ikinulong ng limang araw na walang pagkain.

Habang nakakulong, isang recorded voice umano ng kanilang leader ang pinapatugtog kung saan sinesermonan sila nito araw-araw.

Ito raw ang ilan sa mga parusang sinasapit ng mga volunteer ‘pag hindi name-meet ang quota na hinihingi ng mga leader ng KOJC.

Pero ang mga top performer daw ay agad na pinapakasal sa mga mi­yembro ng KOJC na na­ging American citizen para permanenteng manatili sa Estados Unidos.

Sinisilip na ng USCIS investigator ang 82 recorded marriages sa loob ng KOJC at kung mapatunayan na bahagi ito ng fraud, maaa­ring kanselahin ng USCIS ang citizenship ng mga ito at i-deport pabalik ng Pilipinas.

Kasalukuyang nakakulong sa Los Angeles ang mga inarestong leader ng KOJC sa isinagawang raid ng FBI na sina Guia Cabac­tulan 59-anyos at Marissa Duenas, 41 habang nakatakda namang humarap sa korte sa Virgina si Amanda Estopare, 48.

Si Duenas at Estopare ay pawang mga US citizen habang green card holder naman si Cabactulan.

Limang taong pagkakakulong bawat kaso ang posibleng kaharapin ng mga ito kung sakaling mapatunayang nagkasala.

Nauna nang sinabi ng tagapagsalita ni Quiboloy na si Israelito Torreon na mga dating miyembro ng KOJC ang nag-supply ng maling impormasyon sa FBI. (Dave Llavanes Jr.)

Source From:https://www.abante.com.ph/yaman-ni-quiboloy-sa-us-kinakalkal-ng-fbi.htm

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi