Nagpakita ng malasakit si Zsa Zsa Padilla sa mga apektado ng bagyong Ambo sa Samar nang mag-tweet ito ng praying hand icon sa ni-retweet niyang balita at larawan ng mga residenteng nagiba ang kani-kanilang mga bahay.
Siguradong panibagong fund-raising uli ang haharapin ng ilang mga star para sa nasalanta ng nakaraang bagyo, matapos ang malawakang paghingi ng donasyon ng mga ito para sa COVID19 medical frontliners.
Sa kabilang banda, nagbigay katatawanan ang tinaguriang Divine Diva sa kanyang Instagram wall nang iposte niya ang mga bloopers niya habang nasa gitna ng pagtatangka niyang kunan ang sarili ng video para sa kanyang song number.
Mapapanood sa video na tumigil si Zsa Zsa sa nag-uumpisa pa lang niyang kanta para sipatin ang anggulo ng kanyang kamera.
Masisilip din ang pagri-retouch ng kanyang make-up na parang walang ibang nakakakitang mga viewer niya.
Sabi ni Zsa Zsa natatawa na lang siya sa pag-iwas niyang mahagip ang ibang mga tao at lugar sa kanyang bahay.
Ibinahagi niyang nadidismaya siya kapag paulit-ulit niyang inuumpisahan ang kanyang live singing dahil sa camera angling.
Ang mga ganitong eksena sa mga artista ang nagbibigay entertainment sa netizen na nagpapakita ng pagiging isa nilang normal na tao. (Rey Pumaloy)
Source From:https://www.abante.com.ph/zsa-zsa-ipinagmalaki-ang-kapalpakan.htm